SININGIL ng mga guro sa pampublikong paaralan si Pangulong Duterte sa pangako nitong tataasan ang kanilang sahod ngayong araw, bisperas ng Labor Day.
Nagsagawa ng Almusalang Guro kaninang umaga ang Alliance of Concerned Teachers sa Mendiola.
Inihain nila sa hapag ang plato na may kanin pero ang ulam ay mga litrato lamang upang ipakita umano ang kalagayan ng mga guro.
“Our breakfast is as empty as the President’s promise. It looks very appealing but it lacks substance. Akala mo lang meron, pero wala!” ani Joselyn Martinez, chairperson ng ACT Philippines.
Sinabi ni Martinez na limang beses ng nangangako ng malaking pagtaas sa sahod ng mga guro si Duterte mula pa noong 2016 presidential campaign pero kalahati na ang termino nito ay hindi pa rin natutupad.
Sa halip na pataasin ay pinababa pa umano ng administrasyon ang pamumuhay ng mga guro dahil sa pagtataas nito ng buwis.
“Much like these cutout photos of meals, drawings of pay hike cannot fill our families’ empty stomachs. We’ve had enough of your empty promises, President Duterte. It’s time to take action,” dagdag pa ni Martinez.
Ang huling pagtataas ng sahod ng mga guro ay ang Executive Order 21 na pinirmahan ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino.
Nananawagan ang ACT na itaas sa P30,000 ang entry level salary ng mga guro sa pampublikong paaralan.