SINO’NG magsasabing natengga nang maraming taon sa pag-arte si Claudine Barretto sa ipinamalas niyang pagganap sa MMK?
Hindi talaga kinakalawang ang ginto kahit ano ang mangyari. Hindi ‘yun kukupas, hindi magbabago ang kulay, dahil tunay na tunay.
Unang mapapansin sa pagbabalik-telebisyon ni Claudine ang kanyang itsura. Napakaganda pa rin ng bunsong Barretto. Makinis, payat na payat na, parang wala siyang pinagdaanang mga paghamon at problema sa personal niyang buhay.
Sinimulan at tinapos namin ang MMK, bawat buka ng bibig ng aktres ay binantayan namin, magaling pa rin siyang umarte at hindi namin nakita ang pangangarag ng isang aktres na nabakante nang maraming taon sa acting niya.
Isang malaking senyal ang ipinakita niyang pagganap na kailangan na niyang magbalik nang seryosohan.
Tumanggap na siya ng serye, gumawa na siya ng pelikula, dahil walang nangalawang sa kanya kahit pa ilang taon siyang hindi humarap sa mga camera.
Huwag na sanang magsayang pa ng panahon si Claudine Barretto, ito na ang tamang panahon para magdesisyon siyang umarte na uli, dahil sinampolan na niya ang publiko at pumasa naman siya sa pagsusulit.