SA huling Shanghai Auto Show sa China na dinalaw namin nitong nakaraang Semana Santa, nakakagulat ang mga electric cars na naka-display dito.
Dinala kami sa Shanghai ng Volkswagen Philippines upang ipakita ang mga bagong auto sa China at gayundin ang kotse at pabrika nila doon.
Ayon sa pinuno ng SAIC-Volkswagen China na si Immo Bushmaan, sila ang pinakamalaking kompanya na nakapagbebenta ng kotse sa China.
Alam ba ninyo na nitong nakaraang taon ay bumili ang mga Chinese ng mahigit 24 milyong sasakyan. Nakakagulat, hindi ba?
At alam ba ninyo na sa kabuuang 24 milyong sasakyang binili, 4 milyon dito ay mga produkto ng Volkswagen.
Sabi ni Buschmaan, may mandato na ang Chinese government na simulan ng mga car companies sa China na gumawa ng electric cars para sa Chinese market.
Kailan naman kaya makakarating dito sa Pilipinas ang mga electric cars na ito?
Ang target nila ay taong 2022 upang tuluyang ma-electrify ang buong motoring industry sa China.
Ito ang dahilan kung bakit halos lahat ng bagong kotse sa 2019 Shanghai Auto Show ay concept electric cars.
Sabi ni Felipe Estrella III kung meron din sanang tulad na suporta ang pamahalaan natin sa ganitong proyekto, malaki ang posibilidad na makaporma tayo sa global movement ng auto electrification.
***
Auto Trivia: Noong 1973 oil-crisis, pinayuhan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang mga Pilipino na bumili ng mas maliliit na kotse na mas fuel-efficient tulad ng mga 4-cylinder engines dahil mas matipid ito sa gasoline.
Dahil dito, tinangka ng Volkswagen na mag-assemble sa Pilipinas ng ganitong sasakyan, isang native na national car na tinawag na Sakbayan o “Sasakyang Katutubong Bayan.” Bagamat hindi nagtagal, isa ito sa mga iconic na sasakyan na gawa sa bansa at ipinagmalaki ng mga panahong iyon.