National Land Use bill inuupaan nga ba ni Villar?

NABAGOONG na sa komite ni Sen. Cynthia Villar ang National Land Use Act, isa sa mga priority measures ni Pangulong Duterte.

Totoo kaya ang hirit ng isang advocacy group na kaya ito dinededma ni Villar ay dahil may malaking epekto ito sa kanilang family business?

Siya ang chair ng Senate committees on agriculture and food, agrarian reform, at environment and natural resources, mga komite na dapat sana ay tututok sa National Land Use bill.

Kabilang ang pagpasa nito bilang batas sa mga binanggit ni Digong sa kanyang ikatlong State of the Nation Address noong July.
Umapela pa ang Pangulo sa Kongreso na tiyakin ang agarang pagsasabatas nito.

Ang Senate Bill No. 1522 o National Land Use Act of 2017 ay akda ni Sen. Miguel Zubiri. Layon nito na magtayo ng isang national agency na siyang magka-kategorya sa land resource sa apat — protection, production, settlements development, at infrastructure development.

Tanong ng Campaign for Land Use Policy Now (CLUP NOW), kung totoo ngang hindi ginagamit ni Villar ang kanyang posisyon, bakit dedma siya sa nais ng Pangulo?

Pinapaboran nga ba ng senadora ang Vista Land & Lifescapes, na pag-aari ng kanyang pamilya, kaya tila inuupuan niya ang nasabing panukala, tanong pa ng grupo.

Ayon sa CLUP Now, sangkot ang kumpanya sa conversion ng mga prime agricultural lands.

Bantad naman sa publiko ang mga kaso na isinampa sa pamilya ng senadora na may kaugnayan sa kanilang negosyo.
Nariyan ang umano’y land grabbing sa Norzagaray, Bulacan noong 2008 at ang realignment ng C-5 Road Extension Project noong 2010.
Inakusahan din ni Sen. Franklin Drilon ang Vista Land na ginawang subdivision ang mga sakahan sa Iloilo noong 2010 at inireklamo naman ni Jaime Tadeo ang kaparehong conversion sa Plaridel, Bulacan noong 2014.

Nabatikos din si Villar nang  imbestigahan niya ang pagdumi ng Boracay gayong mayroong pag-aaring mga hotel —Boracay Sands Hotel at Costa dela Vista —ang kanyang pamilya roon.

Dapat nang makaalagwa sa komite ng senadora ang National Land Use Act kung ayaw niyang maakusahan na binuburo niya ito upang proteksyunan lamang ang kanilang mga negosyo.

Read more...