TULUYAN na nga bang iiwan ni Marian Rivera ang showbiz para mag-concentrate sa pagiging ina at asawa?
Ito ang isa sa mga naitanong kay Dingdong Dantes nang humarap sa entertainment media pagkatapos mag-renew ng exclusive contract sa GMA 7. Kapapanganak pa lang ni Marian sa second baby nila na si Jose Sixto G. Dantes IV o Baby Ziggy.
“Hard to say. Siguro kapag naka-settle down na kami, kapag medyo alam na namin yung routine, tsaka yung sistema,” pahayag ng Kapuso Primetime King.
Agad ding inihayag ng aktor na hindi si Marian ang makakatambal niya sa Pinoy version ng hit Korean series na Descendants of the Sun. Sa pagkakaalam kasi niya one year ang hininging maternity leave ng kanyang asawa.
“But definitely, hindi niya iiwan ang TV, sigurado ako diyan. Dahil mahal na mahal niya ang trabaho niya—Sunday PinaSaya, lalong lalo na sa Tadhana. Yung dalawang shows na yun, sobrang malapit sa puso niya,” paglilinaw ni Dong.
Dugtong pa ng mister ni Marian, naniniwala siya na hindi rin isinasara ng kanyang asawa ang posibilidad na magbida pa rin ito sa serye.
“Kung iku-compare natin sa nangyari dati, it took her two years bago nakabalik sa serye. So, malay mo, baka this time, mas maiksi… hindi natin alam,” aniya.
Sinabi rin ni Dong na dahil sa panganganak ni Marian hindi pa rin niya maitodo ang pagtatrabaho dahil kailangang alalayan at alagaan pa rin niya ang asawa.
“Humihingi ako ng konti-konting breaks kasi wala pa kaming helper, si Marian talaga lahat. Tapos, tumutulong lang ako. Mabuti nandiyan ang aming mga biyenan, andiyan yung mommy ko rin, so lahat tumutulong,” kuwento ng aktor.
Kung matatandaan, nakatakda sanang tumakbo si Dingdong ngayong 2019 mid-term elections pero hindi na ito natuloy dahil nabuntis nga ang kanyang asawa. Natanong ang aktor kung may pagsisisi ba na na-delay ang pagpasok niya sa politika.
“Isang napakalaking senyales talaga yung pagdating ni Baby Sixto, di ba? Parang nire-assess ko lang talaga kung ano yung mahalaga para sa akin.
“And, for me, sa ngayon, ang pamilya ko ang pinakamahalaga. Gagawin ko ang lahat para mapalaki sila nang maayos,” chika ni Dong.