NAKAKAALIW na nakakabaliw ang mga kuwento tungkol sa isang popular na female personality kapag nagsi-shopping siya dito o sa ibang bansa man.
Talagang mabusisi siya, hindi siya ang tipo ng kliyente na basta ituturo ang kanyang gusto, marami muna siyang tanong sa sales lady.
Kuwento ng aming source, “Ini-interview niya muna ang nag-a-assist na sales lady sa kanya. Kung anu-ano ang inuurirat niya, talagang pinanghihimasukan niya pati ang personal life ng sales lady.
“Pero sa bandang huli, e, ang gusto na niyang malaman ang itinatanong niya. Inaalam niya kung sinu-sinong personalities na ang bumili ng mga branded stuff na gusto niyang bilhin.
“Kailangan niyang alamin muna kung ilan ang binili ng personality na sinabi sa kanya ng sales lady. Kailangan niya kasing kabugin ‘yun!
“Kung isang color lang ang binili ng mas naunang magkaroon sa kanya kunwari ng bag, kailangang dalawa o tatlo ang bilhin niya. Ganu’n siya talaga, hindi siya magpapakabog kahit kanino!
“Palagi siyang bida dapat, kailangang siya ang number one, hindi siya makapapayag na pangalawa lang siya sa kahit sino,” simulang kuwento ng aming impormante.
Aminado naman ang popular na female personality na mayabang siya, pero ang kanyang katwiran, keribels niya ang pagyayabang.
“Nu’ng minsan, nakita niya ang isang female personality na hindi masyadong sikat. Nagtaka siya kung bakit at paano nakabili ng branded bag na tulad ng sa kanya ang babaeng personality.
“Sinabi niya agad sa PA niya, magpapalit kuno siya ng bag, ikuha raw raw siya ng iba, dahil ‘yung nakita niyang hindi niya naman ka-level na aktres, e, gamit-gamit ang branded bag na meron siya.
“Nakakaloka siya, di ba? Talagang walang laman ang utak niya kundi ang mga level-level! Kailangang siya ang nasa ituktok, kapag may lumelebel sa kanya na ayaw niya, tsugi na ‘yun agad!
“Hay, naku! Di bale, hindi naman siya happy. Kung happy ang girl, e, di dapat secure na secure na siya sa katayuan niya sa lipunan, di ba naman?” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming source.
Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, kilalang-kilala n’yo kung sino ang hitad na ito!