MAY kani-kanyang buhay na ngayon ang isang dating magkarelasyon na inakala ng lahat na sa altar hahantong.
Bukod sa napakatagal na nilang nagmamahalan ay magkakasundo na rin ang kani-kanilang pamilya.
Sino nga ba ang mag-aakala na hindi pala garantiya sa isang relasyon ang tagal ng panahong ipinagsama ng mga nagmamahalan.
Ngayong may bago nang karelasyon ang male personality ay nakahihinga na nang maluwag ang mga taong nakapaligid sa kanya. Marami na palang sakripisyo ang aktor na hindi alam ng marami.
Kuwento ng isang source, “Buti naman at nakapag-move-on siya agad. Nakakaawa ang taong ‘yun sa past relationship niya. Marami siyang isinakripisyo! Nakatungtong kasi siya sa numero, e!
“Imagine, kapag ayaw siyang kausapin ng girl nang ilang araw, wait lang siya nang wait kung kailan magiging okey na ‘yung babae!
“Kakaiba ang ugali ng babaeng ‘yun, may matinding sumpong siya na siya lang talaga ang nakakaintindi!” umpisang chika ng aming impormante.
Nu’ng una ay itinatago pa ng male personality ang problemang ‘yun sa mga taong malapit sa kanya. Hanggang sa hindi na siya nakapagpigil, naglabas na siya ng sama ng loob, grabe na pala ang problema nila ng karelasyon niya.
“Mabuti na ring natapos na ang relasyon nila, mas maganda na ang ganyan, wala nang masyadong sakripisyo ang lalaki. Maayos ang relasyon nila ngayon ng bagong girlfriend niya.
“Hindi na siya nagmumukhang ewan kung kailan siya kakausapin, hindi siya nagmumukhang kawawa dahil ang nasusunod nu’n palagi, e, ang karelasyon niya! Walang kunsiderasyon ang girl!
“Tama bang kapag inaapuntahan siya ng sumpong, e, kailangang madamay ang lahat ng tao sa paligid niya? Ayaw niyang makipag-usap kahit kanino, wala siyang panahon para kahit kanino, nakakaloka ang babaeng ‘yun, may sarili siyang mundo!
“Wala pang karelasyon ang girl sabi niya, hindi naman ‘yun nakapagtataka kasi nga, sa ugaling meron siya, e, mahihirapan talaga siyang magka-boyfriend.
“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kilalang-kilala n’yo siya, kahit sina Jon at Ching Bautista Silverio, pamilyar sa girl na ito, kaya siguradong perpek kayo today!” pagtatapos ng aming source.