Mga dapat iwasan nakandidatong senador

DALAWAMPU’T isang araw na lang bago ang eleksyon, hindi pa rin tayo desidido kung sino-sino ang pipiliing mga senador o maging sa mga posisyon sa local.
Ito ang panahon upang suriin nating mabuti kung kakagatin natin ang mga pangako, plataporma at propaganda ng pumupusturang kandidato.
Ang kailangan natin ngayon ay mga “nation-builders” o yung totohanang magsusulong sa kaunlaran ng bansa, maging oposisyon o administrasyon.
Kailangan natin ng mga taong may sinserong layunin upang iangat ang kabuhayan ng bawat Pilipino sa napakabilis na takbo ng modernisasyon at panahon.
Sa totoo lang, masyadong matagal na tayong hinati-hati ng nakaraang mga lider ng bansa habang walang humpay naman ang pa-ngungurakot ng kanilang mga alipores.
Matagal na tayong pinagsasamantalahan ng mga pulitiko na ang tunay layunin ay isulong ang mga business interests ng kanilang mga “campaign financiers” na kumukontrol din ng malalaking negosyo sa bansa at dahilan ng pagtaas ng bayarin sa tubig, kuryente at iba pang serbisyo ng gobyerno.
Isa pang dapat bantayan ay ang track record ng kandidato nang sila’y nasa gobyerno. Kung sila’y nakasuhan ng graft and corruption at nakulong na, pwede bang huwag na natin silang iboto?
Kung sila’y naglingkod na sa gobyerno ng ilang taon, noong panahon ni Erap, GMA at PNoy, pero wala namang ginawa para sa mahihirap at ang inasikaso ay kapakanan ng mga kliyente nilang elitista, huwag na natin silang iboto.
Hindi ka ba nagtataka kung bakit maraming pera ang mga kandidato sa kanilang campaign materials, pati radio and tv commercials? Hindi n’yo ba napapansin na kapag merong malaking korporasyon o malaking tao na naiiskandalo, tahimik ang maraming senador at ayaw magpatawag ng congressional investigation at kung meron man ay halatang halata mong “whitewashed” ang resulta?
Kung ang kandidato ay walang ginawa kundi itulak tayo sa digmaan sa China o kaya’y sa mga rebeldeng CPP-NPA sa bansa, pwede bang huwag na rin silang iboto dahil pagkakahati-hati ng sambayanan ang gagawin ng mga iyan.
Kung ang mga kandidato ay umiiwas at walang masabi sa sobrang laganap na ilegal na droga na pumiperwisyo sa mga mahihirap pati na ang mga party drugs na sumisira sa mga estudyante, iba po ang kanilang “agenda” at hindi para sa taumbayan.
Tama lang na mag-i-ngay sila sa “human rights violations”, pero hindi naman tamang itigil ang kampanya ng PNP at PDEA laban dito.
Sa mga nagbabalik na kandidato sa pagka-senador, pag-aralan natin kung paano nila ginamit ang kanilang “pork barrel”. Ito ba ang prayoridad nila sa taun-taong paggawa ng “national budget”?
At isa pa, kumampi ba sila sa P8-bilyong “Borloloy Senate building” na itatayo sa Global city kahit dapat ay inilalaan sa “social services” ang pondong ito?
Ang kailangan natin ay mga kandidatong para sa kapayapaan, hindi digmaan.
Mga kandidatong galit sa corruption, galit sa ilegal na droga at totoong poproteksyunan ang nakararaming mahihirap sa mga maniobra ng elitista sa patuloy na pagtaaas ng presyo ng tubig, kuryente, toll fees, matrikula, bigas at iba pang mga pangunahing bilihin.
Mga kandidatong pag-iisahin ang ating bansa, hindi paghahati-hatiin sa ibat ibang agenda. Lalo na iyong mga nagmamada-ling makabalik sa kanilang kapangyarihan at naglala-yong patalsikin ang kasalukuyang administrasyon.
Hindi ba kayo makapaghintay hanggang 2022 tulad ng pagtitiis natin sa panahon nina GMA at PNoy?

Panoorin ang Banner story sa DZIQ, Lunes hanggang Biyernes, mula alas-8 hanggang alas 9 ng umaga. Mag-email jakejm2005@yahoo.com para sa comments.

Read more...