HINDI na natatakot mamatay si Gary Valenciano. Ito ang ibinandera ni Mr. Pure Energy nang matanong tungkol sa kamatayan matapos ngang malagay sa peligro ang kanyang buhay.
Ayon kay Gary wala na siyang kinatatakutan ngayon makaraan ang pagharap sa sunud-sunod na pagsubok sa kanyang buhay. Isang taon na ang nakararaan nang sumailim siya sa open heart surgery na nasundan pa ng pagkakaroon ng kidney cancer.
Matapos sumailalim sa ilang buwang gamutan, cancer free na ang OPM icon at balik trabaho na naman siya. Nasa Amerika siya ngayon para sa kanyang concert tour.
Sa chikahan niya with the entertainment press bago siya umalis ng Pilipinas, naikuwento ni Gary ang mga realizations niya after ng mga pinagdaanang challenges.
“There are things that I am still realizing. It’s not just one big event in my life that I realize these things,” simulang pahayag ng singer.
“But I see how precious life is now, na nag-iba ang perspective ko on the things that I do. After 35 years kasi in the industry, minsan pumapasok kasi sa isip mo na, ‘Sige perform lang ako. Magugustuhan naman nila yan e.’ But there’s a lot more that must be done specially for the generation now,” chika pa ni Gary.
Bukod dito, sinabi rin ni Mr. Pure Energy na hindi na niya kinatatakutan ang kamatayan. Samantala, nagluluksa nga ngayon ang pamilya ni Gary dahil naman sa pagpanaw ng kanyang ina.
“I want to thank the few that first became aware of what we were all facing these past few days and sent us encouraging messages of hope. Now the news is spreading that Mom, or Tita Grimi, or Mamita to others, has gone home,” ang mensaheng ipinost ni Gary sa kanyang social media account.