NANANATILING mataas ang tiwala ng mga Filipino sa Estados Unidos samantalang wala itong tiwala sa China, ayon sa resulta ng survey ng Social Weather Stations.
Sa isinagawang survey noong Marso 28-31, nakakuha ang Estados Unidos ng 60 porsyentong net trust rating (70 porsyentong tiwala, 18 porsyentong undecided at 10 porsyentong maliit o walang tiwala).
Kapantay ito ng nakuha ng Estados Unidos sa survey noong Disyembre.
Ang Japan ay nakakuha naman ng 34 porsyentong net trust rating (53 porsyentong tiwala, 24 porsyentong undecided at 20 porsyentong maliit na tiwala). Kapantay ito ng naunang survey.
Ang Australia naman ay nakakuha ng 33 porsyentong net trust rating (51 porsyentong tiwala, 29 porsyentong undecided at 18 porsyentong maliit o walang tiwala). Mas mataas ito sa 31 porsyento na naitala noong Disyembre.
Negatibo naman ang net trust rating ng China. Nakakuha ito ng -6 porsyento (32 porsyentong tiwala, 27 porsyentong undecided at 39 porsyentong wala o maliit na tiwala).
Sa survey noong Disyembre, ang China ay nakapagtala ng -7 porsyento (31 porsyentong tiwala, 29 porsyentong undecided at 39 porsyentong wala o maliit na tiwala).
Kinuha ang opinyon ng 1,440 respondents sa survey. Mayroon itong error of margin na plus/minus 2.6 porsyento.