ISA na ngayong opsyon sa mga empleyado sa pribadong sektor na magtrabaho sa alternatibong lugar-paggawa gamit ang telecommunication o computer technology.
Kamakailan ay nilagdaan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 11165, o ang Telecommuting Act, na magiging epektibo 15 araw matapos itong maipalathala sa pahayagang may malawak na sirkulasyon at sa DOLE website.
Batay sa IRR, maaa-ring ialok ng employer sa pribadong sektor ang telecommuting program sa kanilang empleyado na ang batayan ay boluntaryo o resulta ng collective bargaining.
Management prerogative o collective bargaining option ang bagong pamamaraan sa pagtatrabaho, at ito rin ay nababatay sa boluntaryo at parehong kagustuhan ng employer at empleyado, at pagsasaalang-alang sa uri ng trabaho na dapat gampanan.
Ang kasunduan sa trabaho ay hindi dapat bababa sa minimum na pamantayan sa paggawa na itinakda ng batas, at kasama rito ang oras ng pagtatrabaho na dapat bayaran, minimum na oras ng pagtatrabaho, overtime at araw ng pahinga, karapatan sa leave benefit, social welfare benefit at seguridad sa trabaho.
Para sa epektibong pagpapatupad ng telecommuting program, dapat sundin ng employer at ng kanilang empleyado ang napagkasunduang patakaran o telecommuting agreement. Kasama sa polisiya ang code of conduct at performance evaluation and assessment; naaayong alternatibong lugar na pagtatrabahuhan; paggamit at halaga ng mga kasangkapan; pagtupad sa data privacy, at occupational safety and health, bukod sa iba pa.
Kailangang ipagbigay-alam sa pinakamalapit na tanggapan ng DOLE ng mga kompanya na nagnanais na magpatupad ng telecommuting work arrangement.
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line?
Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.