Bus vs. motor; 2 patay

PATAY ang dalawang lalaki nang masalpok at makaladkad pa ng pampasaherong bus ang sinakyan nilang motorsiklo, sa Santiago City, Isabela, nitong Lunes.

Itinakbo pa sa pagamutan ang di pa kilalang driver ng motor at angkas niyang si Marc Carlo Baccay, 26, ngunit kapwa di na umabot nang buhay, ayon sa ulat ng Cagayan Valley regional police.

Naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng umaga, sa bahagi ng Maharlika Highway na sakop ng Purok Paraiso, Brgy. Batal.

Patungo ang motor sa direksyon ng city proper, nang masalpok ng EMC LBS bus (AIA-1719) na dala ni Ramil Valdez, 46.

Nakaladkad pa nang halos 200 metro ng bus ang motor, kasama ang driver nito, habang ang angkas ay naiwan sa pinagsalpukan, ayon sa ulat.

Lumabas sa imbestigasyon na pumasok sa kabilang lane ang bus kaya nasalpok ang motor.

Natagpuan ang debris ng motor at nagkapira-pirasong laman sa lane nito, ayon sa pulisya.

Read more...