12-anyos na batang lalaki napatay ang buntis na nanay, anak dahil sa P100

 

INAMIN ng isang 12-anyos na batang lalaki na napatay niya ang isang buntis na nanay at kanyang anak na batang babae matapos pagsasaksakin matapos pagnakawan ng P100 ang mga biktima sa bayan ng Lubao, Pampanga noong Linggo.

Hinihintay na lamang ng pulisya ang paglalabas ng resolusyon ng isang prosecutor kung ilalagak sa isang home for young offenders ang bata sa bayan ng Magalang.

Agad na namatay ang biktima, 25, na tatlong-buwang buntis at kanyang 4-anyos na anak na babae.

Nahuli sa akto ang suspek na nagnanakaw ng pera mula sa biktima.  Kapitbahay lamang ng mga biktima ang suspek.

Nagalit umano ang suspek nang murahin siya ng biktima, ayon sa mga imbestigador.

Idinagdag ng pulisya na sinaksak ang mga biktima gamit ang isang butcher’s knife.

Natunton ang bata matapos makita ang bakas ng dugo mula sa likod ng pintuan ng bahay ng mga biktima at sa kalapit na bahay.

Sinabi ng isang 16-anyos na binatilyo na nakita niya ang suspek na itinatapon ang isang kutsilyo at isang dilaw na t-shirt na puno ng dugo. Kapwa narekober ang mga ito.

May bakas din ng dugo ang short ng suspek samantalang may sugat ang kanyang mga kamay.

Sa harap ng kanyang mga magulang, inamin ng suspek ang pagpatay matapos tanungin ng isang social worker.

Read more...