Proud na proud si Awra sa kanyang tatay na si Oneal Brian dahil napagtagumpayan nito ang matagal na niyang pangarap na makakuha ng college diploma.
Sa kanyang Instagram account, nag-post si Awra ng mga graduation photo ng kanyang ama kasabay ng kanyang pagbati. Sinabi ng komedyante na pinatunayan ng tatay niya sa buong universe na hindi talaga balakid ang edad at estado ng isang tao para makapagtapos ng kolehiyo.
“Congrats papa! So proud of you! Sabi nga nila, ‘It’s better than late, than never.’ Kaming lahat nang anak mo sobrang saludo sayo!
“Kase pinakita mo samen kung gaano kahalaga ang pag aaral! I love you papa!! Congrats ulet!” caption ni Awra sa mga litrato nila ni Mang Oneal.
Kung matatandaan, sa isang panayam sa ama ni Awra sinabi nitong napakalaki ng pasasalamat niya sa anak dahil ito na ang nagpapaaral sa kanya.
“Sabi ko nga po, baliktad na. Simula lang po nu’ng nawalan po ako ng trabaho tapos nahiwalay pa ako sa nanay niya, parang yun na lang naisip ko na magandang ipapakita sa mga anak ko,” ani Tatay Oneal.
Marami namang pumuri at humanga kay Awra bilang anak. Ilang netizens nga ang nagsabi na maswerte si Mang Oneal kay Awra dahil sa kabila ng murang edad nito ay natutulungan na niya ang kanyang pamilya at iba pang mga kamag-anak.