Sylvia Sanchez matagal nang may hinahanting sa FB

SUPER proud nanay ang award-winning na si Sylvia Sanchez dahil kahit paano’y nakagawa na rin ng sariling pangalan sa showbiz ang kanyang mga anak na sina Arjo at Ria Atayde.

Inamin ni Sylvia na natatakot siya noong nagsisimula pa lang ang dalawang anak sa mundo ng pag-arte pero napatunayan niya na hindi siya nagkamali na suportahan ang mga ito sa kanilang passion sa acting.

“Kung anuman ang ginawa ng mga anak ko sa showbiz, sariling gawa nila yan, talent nila. Ang maging professional at ang pagiging focus nila sa craft nila, sila ang gumawa nu’n,” aniya pa.

Inamin din ni Ibyang na hindi rin niya inaasahan na mamahalin din nina Ria at Arjo ang mundong ginagalawan niya.

“Wala akong pinalaki sa kanila na, ‘O Arjo, ikaw mag-aartista ka,’ kasi gusto ko mag-desisyon din sila sa sarili nila para sa sarili nilang mga buhay. So kung naging artista man si Ria at Arjo hindi ko ginawa yun,” pahayag pa ni Ibyang sa pa-thanksgiving ng pamilya Atayde sa mga kaibigan nila sa entertainment press.

Hindi rin issue kay Sylvia kung mas maraming projects ngayon ang mga anak at kung mas sumikat pa ang mga ito kesa sa kanya.

“Wala naman pressure kasi siyempre gumagawa na ng sariling pangalan si Ria at Arjo so sobra akong natutuwa. 

“Natatakot lang ako every time na sila yung pinapanuod ko, mas kabado kung ano na naman kaya ang ginawa ng anak ko,” sagot ng aktres na very soon ay mapapanood uli sa upcoming Kapamilya series na Project Kapalaran kasama sina  Joey Marquez, JM de Guzman at Arci Muñoz.

Samantala, umaasa pa rin si Sylvia na matatagpuan nila ang nawawala niyang tatay sa pakikipagtulungan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

More than 30 years na nang mawalay siya sa kanyang ama, “Tutulungan daw nila akong hanapin ang tatay ko kasi grade five pa ako nawala na siya e. (Ang pangalan niya ay) Roberto Lagura Campo. Hanggang ngayon hina-hunting ko siya sa Facebook, hindi ko talaga makita.” 

Ang balita nila ay posibleng nasa Brazil daw ang kanyang tatay na dating marino kaya nagpaplano rin silang pumunta roon, “May part ng puso ko na kulang, e. Alam mo yun kahit gaano ka ka-successful. Tatay ko lang ang makakapagpuno sa kaligayang nararamdaman ko.”

Read more...