NABAWASAN man ang popularidad ng billiards sa Pilipinas, ang mga Pinoy pool players ay nananatiling dominante sa labas ng bansa.
Ito ay ayon kay Rubilen Amit, na nagdomina sa WPA Women’s World 10-Ball Championship noong 2009 at 2013.
“Talagang bumaba ang suporta sa billiards dito sa Pilipinas, kahit kaming mga players nararamdaman namin iyan,” sabi ni Amit, na dumalo sa Usapang Sports na inorganisa ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
“Pero sa labas, malakas pa rin tayo lalo na sa men’s. In fact, Carlo Biado won the world title in 2017 at muntik na niyang makuha ‘yung back-to-back last year, medyo kinapos lang sa finals. Right now despite the success of Filipino players sa abroad, bumaba talaga ‘yung popularity ng sports dito sa atin.”
Nananatili namang positibo si Amit na ibabalik ng mga sports leader at private sponsor ang kanilang suporta sa billiards.
“Hindi naman nawawala ‘yung kasikatan nina (Efren) Bata Reyes, (Francisco) Django Bustamante at iba pang billiards player natin,” dagdag ng 37-anyos na si Amit.
“Medyo nawala lang ‘yung ingay dahil na rin sa kakulangan sa local tournaments. Medyo ‘yung mga sponsors sa sports namin nagpapahinga po yata.”
Nag-aalala rin si Amit sa kawalan ng mga local tournament na posibleng humantong sa kawalan ng mga pool talent. Kaya naman ibinibigay na niya ang kanyang serbisyo para turuan at sanayin ang mga batang babae na pool player na nais maglaro bilang professional player.
“Libre po ito at walang gagastusin ang nais na matuto ng billiards. Sa ganitong paraan, hopefully, mabalik ‘yung interest ng masa sa sports namin,” sabi pa ni Amit na kasalukuyang nag-eensayo para sa 30th Southeast Asian Games kung saan sasabak siya sa tatlong gold medal event.
Maglalaro si Amit sa 9-ball at 10-ball women’s singles at makakapareha niya si Chezka Centeno sa 9-ball doubles.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.