Dalawang linggo na lang mula ngayon ay matutuldukan na ang kuwento ng seryeng Halik na pinagbibidahan ng walang kakupas-kupas sa pag-arteng si Jericho Rosales.
Maraming nagmarka sa seryeng ito, matatagalan pa bago makalimutan ng mga Pinoy na mahilig tumutok sa mga serye sina Yam Concepcion, Yen Santos at Sam Milby at marami pang ibang nabibigyan ng magandang exposure sa palabas.
Si Yam Concepcion bilang maharot, kaliwete at walanghiya ang pinakalumutang sa Halik. Gustung-gusto siyang sunugin nang buhay ng manonood dahil mahusay niyang naitawid ang role ng isang nakikiapid sa asawa ng may asawa.
Sila ni Echo ang mag-asawa, pero ninakaw ni Yam ang mister ni Yen Santos na si Sam, du’n umikot nang mahabang panahon ang kuwento ng serye.
Sana nga ay kasing-interesante rin ng Halik ang ipapalit ng programa ng ABS-CBN para kahit gabi nang ipinalalabas ay nakikipaglaban pa rin sa rating.
Ang seryeng ito ang buhay na patotoo na wala pa ring kakupas-kupas ang pag-arte ni Jericho Rosales na ang mga mata ay hindi na nangangailangan pa ng dialogue para lang magkaroon ng konek sa manonood.