KAMI ang napapagod magbasa sa pamba-bash kay Aiko Melendez ng mga haters at trolls sa social media. Talagang gumagawa sila ng fake accounts para lang tirahin ang aktres.
Nakapagtataka lang na kaliwa’t kanan ang pambibira nila sa aktres, e, hindi naman siya ang kumakandidato ngayon kundi ang boyfriend niyang si Subic Mayor Jay Khonghun na tumatakbong vice-governor sa Zambales.
Sumusuporta lang naman si Aiko bilang girlfriend ni Mayor Jay, siyempre natural lang naman sa magkarelasyon ang magtulungan sa isa’t isa.
Pero baligtad ang nangyayari, parang si Aiko ang kandidato dahil araw-araw ay nilalait siya sa social media. Pagkatapos siyang paratangang may skin disease at kabit ni Mayor Jay ay may ambisyon din daw kasi siyang pumuwesto sa Zambales.
Sa pagkakaalam namin ay hindi kabit si Aiko dahil matagal nang hiwalay si Mayor Jay sa asawa niya, at bago pa dumating ang aktres sa buhay ng alkalde ay may nauna na itong nakarelasyon. Kaya paano siya naging kabit?
Base rin sa aming impormasyon ay nasa korte na ang annulment case ni Mayor Jay sa dating asawang si Eloisa Racell Khonghun.
At sa sinasabing may ambisyon si Aiko sa lalawigan ng Zambales parang sobrang labo noon dahil unang-una kinalimutan nga ng aktres ang sariling ambisyon sa politika dahil kay Mayor Jay.
Pangalawa, malaki ang kinikita ng aktres sa showbiz at sa katunayan, dalawang teleserye at dalawang pelikula na ang tinanggihan niya para lang matulungan sa kampanya ang kanyang boyfriend.
Ang mga anak naman niyang sina Andrei Yllana (kay Jomari Yllana) at Marthena Jickain (kay Martin Jickain) ay sustentado ng kanilang mga ama. Ibig sabihin malaking kabawasan ito sa gastusin ng aktres.
Anyway, how true na magkakampi ang incumbent vice governor ng Zambales na kalaban ni Mayor Jay sa politika at ang kanyang ex-wife? Ito ba ang dahilan kung bakit pinagdidiskitahan nila si Aiko?
Samantala, nagpadala kami ng mensahe kay Aiko sa Facebook tungkol sa mga isyung ito pero hindi pa niya kami sinasagot.
Pero sa isang panayam sa kanya, nilinaw na rin ng aktres ang tungkol sa akusasyong isa siyang kabit. Inihalintulad pa nga siya ng mga kalaban ni Mayor Jay kay Jade, ang other woman na karakter ni Yam Concepcion sa seryeng Halik.
“Hindi po ako kabit. Una sa lahat, pumasok po ako sa buhay ni Jay, wala na po sila nung ex-wife niya. In fact, gusto niyo po i-check niyo po sa Olongapo, naka-file na po ‘yung annulment nila.”
“Hindi ko po kasalanan kung ang judicial system natin sa Pilipinas ay mabagal. That’s why I am for divorce. So how dare you call me kabit?” aniya pa.