MAGTATALAGA ng 11,500 pulis sa buong Metro Manila ang National Capital Region Police Office sa paggunita ng Semana Santa.
Ani NCRPO director Major Gen. Guillermo Eleazar, ipapakalat ang mga police personnel sa mga mall, simbahan, recreational area, bus terminal, airport, seaport at train station.
Dagdag ng opisyal, mananatiling naka-full alert status ang NCRPO hanggang Hunyo 3.
Aniya, inatasan na niya ang mga district director, chief of police at station commander na maglagay ng mga police assistance desks at bumuo ng mga “pre-emptive measures” upang mapanatili ang seguridad sa Semana Santa.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang NCRPO sa Armed Forces of the Philippines, local government units, force multipliers, volunteer groups at iba pang concerned agencies para magsanib-pwersa sa kampanya kontra-kriminalidad.
Umapela rin ang opisyal sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan na pag-uulat ng mga kahina-hinalang tao.
Simbahan handa
Samantala, sinimulan na ng Manila Cathedral at Quiapo Church ang mga paghahanda para sa mga aktibidad na may kaugnayan sa Semana Santa.
Magsisimula ang Semana Santa sa Linggo, Abril 14.
Ayon sa rector ng Manila Cathedral na si Fr. Reginald Malicdem, ang mga aktibidad sa katedral ay pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Ang unang misa sa Linggo ng Palaspas, Chrism Mass at Misa sa Huling Hapunan sa Huwebes Santo, Paggunita sa Pagpapakasakit ng Panginoon sa Biyernes Santo, at Bihilya para sa Muling Pagkabuhay sa Sabado de Gloria ay pangungunahan lahat ni Tagle.
Sinabi ni Malicdem na nakikipag-ugnayan sila sa mga otoridad para tiyakin ang seguridad ng mga debotong pupunta sa Manila Cathedral.
Isa ang Manila Cathedral sa siyam na simbahan at chapel na magiging bukas para sa Visita Iglesia sa loob ng Intramuros.
Ayon naman kay Quiapo Church Parochial Vicar Fr. Douglas Badong, wala ring pagbabago sa mga aktibidad sa Basilika ng Quiapo.
Ilan sa mga aktibidad ng Quiapo Church ay Pabasa ng Pasyong Mahal mula Lunes Santo hanggang Miyerkules Santo, Senakulo sa Plaza Miranda sa Miyerkules Santo, at ang prusisyon ng mga imahe ng Nazareno sa Biyernes Santo.
Nanawagan si Badong sa mga deboto na maging organisado sa pagdalo sa mga aktibidad ng simbahan.