Darren Espanto na-shock sa brutal na pagpatay sa dating road manager


SHOCKED pa rin hanggang ngayon ang young Kapamilya singer na si Darren Espanto sa brutal na pagpatay sa kanyang kaibigan at dating road manager.

Sa kanyang Instagram account, nag-post si Darren ng mensahe para sa kanyang “Ate Karen”. Ang tinutukoy niya ay si Carmencita Pelayo-Hernandez na natagpuang patay sa kanyang bahay sa Mabalacat City, Pampanga kamakailan na tadtad ng saksak at may tama pa sa ulo.

Ang isa pang kasamahan ni Karen na si Karwin Guevarra ay natagpuan din sa pinangyarihan ng krimen na puro saksak din sa katawan. Ang kaibigan naman nilang nakilala lamang sa pangalang si Regine ay nakaligtas sa malagim na insidente.

Ayon sa police report, magwi-withdaw sana sina Karen at Karwin ng pera sa ATM at nakatakdang makipagkita kay alyas Regine na itinuturing na ngayong suspek sa krimen dahil sa inconsistent nitong statement sa mga imbestigador.

“May kukunin silang pera. Bali yung bank account nung dalawa doon, ipapasok yung pera, ‘yun yung sinabi ng asawa ko,” ayon sa asawa ni Karen na si Mark John.

Pahayag naman ni Police Staff Sergeant Roldan Tababa, “Ang una niyang kuwento sa imbestigador, siya raw ay pinalo ng unidentified suspect na-unconscious siya. Nagtulug-tulogan. Pagkagising niya ganun na nangyari.

“Paniwala ng imbestigador, inconsistent yung ibinigay niyang information. May mga nakitang galos sa kaniyang katawan, sa kaniyang mga kamay, sa kaniyang mga paa, parang self-inflicted,” paliwanag ng pulis. Nakatakda nang kasuhan ng double murder ang suspek.

Sinabi naman ng tatay ni Karen na si Leonardo Sr., matagal nang magkaibigan sina Karen at Regine pero sa pagkakaalam niya may utang ang suspek sa kanyang anak.

Samantala, hindi pa rin makapaniwala si Darren sa nangyari sa kanyang dating road manager. Nag-post siya ng mga litrato nila ni Karen na magkasama sa kanyang Instagram account na may madamdaming caption.

“I still couldn’t believe the news of your passing, ate Karen. Nanginginig ako hanggang ngayon kasi ‘di ako makapaniwala sa nabalitaan ko. Actually, ayaw ko maniwala sa totoo lang. Sobra kasing masakit.

Napakabuti mong tao.

“You are family to us… You will forever be my ‘Ate Karen.’ I will keep all the memories that we had through the good times and the bad and I will always remember the things you’ve taught me in the past. I love you so much and I’ll keep you close to my heart always,” dagdag pa ng Kapamilya young singer.

Read more...