ABALANG-ABALA ngayon ang TV host-comedian na si Arnell Ignacio sa kanyang mga showbiz commitments matapos mag-resign sa bilang deputy administrator ng OWWA.
Ngayong wala na siya sa gobyerno, inaasahan ng komedyante na magdaratingan na uli ang mga offer sa kanya sa TV at pelikula. Ilang taon din siyang nagsilbi sa pamahaalan kaya napabayaan niya ang kanyang acting career.
Isa sa mga gusto niyang gawin ngayon ay ang makalaba sa Ang Probinsyano ni Coco Martin. Sa isang panayam sinabi ni Arnelli na matagal na siyang kinukuna para mag-guest sa nasabing serye pero hindi natutuloy dahil sa dami ng trabaho niya sa OWWA.
“Kasi naman, di ba? Tatawag ang Probinsyano, dapat magte-taping ka na bukas, e, palipad ako nu’n para sa problema ng OFW. Ako umaayaw, samantalang ang iba, nagkakandarapa na mag-guest.
“Ako, tanggi ako nang tanggi. Sa hosting, ang laki na ng pinakawalan ko. Di ba, parang nasira na ang showbiz career ko niyan? Hindi naman puwede yun,” sabi ng comedian. Pero ngayon, game na game na uli siya.
Isa pa sa pinagkakaabalahan niya ay ang pangangampanya para sa Juan Movement partylist kung saan siya member. Naniniwala ang TV host na swak na swak ang mga adhikain ng nasabing partylist para sa tunay na pagbabago ng mga Pilipino.
Kailangan umano ng “boses” sa Kongreso para may bumalangkas at magpalakas sa mga batas na magsusulong sa tunay na pagmamahal sa bayan at magtataguyod sa ating kultura at tradisyong Pilipino.
Binibigyang-diin kasi ng partylist ang “love of country” at “sipag” na susi para umunlad ang bansa.
Matalik na kaibigan ni Arnelli sina Jun Llave, Nico Valencia at Mark Boado na nominees ng Juan Movement partylist.
Naniniwala sila na kailangang buhayin ng bansa ang mga nakaligtaang industriya na tatak Pilipino tulad ng paghahabi. Ito ay upang maengganyo ang ating mga kababayan na tangkilikin ang sariling atin sa halip na mga gawang dayuhan.