Sylvia sa nawawalang ama: Sana mahanap ang tatay ko, buhay o patay…

REI TAN AT SYLVIA SANCHEZ

NILINAW ng award-winning actress na si Sylvia Sanchez ang isyu tungkol sa paghahanap nila sa kanyang biological father na si Roberto Lagura Campo.

Kumalat kasi ang balita na nagpapatulong si Sylvia sa Overseas Workers Welfare Association (OWWA) para mahanap ang kanyang tatay na umano’y nasa Rio de Janeiro, Brazil ngayon.

Ayon sa Kapamilya actress, bago pa mabahiran ng malisya, sinabi na niyang siya ang gagastos sa paghahanap sa tatay niya at hindi ang OWWA.

“Pinoy siya, nagtatrabaho doon (sa Brazil). Actually, ‘yung sinabi ko na hindi ko na nakita ang Papa ko, so ngayon, ang nangyari, sila (OWWA) ‘yung nagsabi sa akin na, ‘May mga case kami na ganyan. Ang dami-dami na naming napauwi. Kung gusto mo, hanapin natin.’

“Sino ba naman ang hihindi, di ba? Hopefully, makikita ‘yung tatay ko—buhay o patay. Actually din, ‘yung gastos niyan, sabi ko sa kanila, ako ang gagastos. Kung may gastos, sabihin niyo sa akin.

“Ayoko kasi ‘yung sila ang gagastos for me kasi tatay ko yun, e. Ang sabi nila, walang gastos sa paghahanap kasi connect-connect lang. Phone calls lang.

“Ang gastos, ‘yung pagpunta mo at ng pamilya mo sa Brazil para puntahan ‘yung tatay mo. Sorry po, meron po akong pambayad sa eroplano para pumunta doon, so walang gastos,” paliwanag ni Sylvia sa ginanap na mediacon para sa renewal of contract niya bilang celebrity endorser ng Beautederm.

Samantala, ibinalita ni Ibyang na magbubukas na rin siya ng sariling branch ng Beautederm sa Australia pero matuluy-tuloy ang pagpunta niya roon dahil nagkasunud-sunod ang projects niya sa first quarter ng 2019.

Bukod sa shooting ng bago niyang pelikula, ang “Jesusa” ay sumabay pa ang taping ng bago niyang teleserye sa ABS-CBN.

“‘Yung teleserye na tine-tape namin ngayon with JM de Guzman, Arci Muñoz. Tapos asawa ko si Joey Marquez, meron kaming walong anak, istorya naman ng pamilya.

“This time, walong anak na iba-ibang klaseng problema. Mata-tackle lahat ng problema ng mga bata. Ang ganda, hindi ito todo o sobrang bigat na drama. It’s a dramedy,” chika pa ni Sylvia.

Hopefully daw bago matapos ang taon ay mabuksan na ang Beautederm branch niya sa Australia, siyempre sa tulong na rin ng Beautederm President and CEO na si Rhea Anicoche-Tan.

Sa ginanap na contract signing, ipinagmalaki ni Ms. Rei na napakalaki ng nagawa ni Sylvia para maging matagumpay ang kanyang negosyo and at the same time makatulong sa mga tulad nilang ina na nagsusumikap na mabigyan ng magandang buhay ang pamilya.

Ang muling pagpirma ni Ibyang ay kasabay ng ika-10 anibersaryo ng Beautederm. Sa ngayon, may mahigit 40 physical stores na sila sa iba’t ibang panig ng bansa at mahigit sa 100 resellers hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Umabot na rin sa 40 ang brand ambassadors ni Ms. Rei.

“Isang malaking inspirasyon si Ate Sylvia sa napakaraming mga kababaihan who are wearing so many caps in their lives—mga babaeng may karera na mga asawa at ina rin, tulad ko.

“Ate Sylvia represents so many working mothers who are balancing both career and family. She is also trusted by countless Filipinos and as a brand ambassador of Beautederm, I must say that she has really helped the company in its success today,” sabi pa ni Ms. Rei.

Kahit na busy sa kanyang career, sinisiguro pa rin ni Sylvia na nabibigyan niya ng quality time ang kanyang pamilya, “Hindi madaling pagsabayin ang career at personal life. But with hard work, determination, time managemen and prayers anything is possible.”

“Kailangan kong alagaan ang aking kalusugan and feel good about myself before bago ako magpamudmod ng pagmamahal sa aking pamilya at karera,” sabi pa ng award-winning actress.

Read more...