OFW na-stranded nang 1 buwan sa Sri Lanka airport

HALOS hindi kapani-paniwala na mahigit isang buwang namuhay sa Sri Lanka airport ang OFW na si Sunshine Sereno.

Galing siya ng Doha, Qatar matapos ang isang buwan lamang na pananatili sa kaniyang employer doon. Palibhasa’y hindi na raw nito matagalan ang naturang employer kung kaya’t nagdesisyon siya na umuwi na lamang ng Pilipinas.

Malakas naman ang loob ng ating kabayang bumalik ng bansa dahil may hawak siyang return ticket.

Ngunit hindi naman pala direct flight ang ticket niya. Mula sa Qatar kailangan niyang dumaan muna ng Colombo sa Sri Lanka, pagkatapos sa Hongkong saka pabalik ng Pilipinas.

Pagdating ni Sereno sa Sri Lanka, doon lamang niya napag-alaman na kinansela na pala ng kanyang employer ang naturang plane ticket.
Hindi na siya puwedeng sumakay patungo ng Hongkong upang makauwi ng bansa.

Nang malaman ni Sereno na hindi na pala siya makakasakay ng eroplano, tinanggap na lamang niya ang naturang desisyon at nanantili ito sa airport ng Sri Lanka.

Naging mabait naman umano ang mga staff sa airport at binibigyan siya ng pagkain ng mga ito ng dalawang beses sa isang araw.

Nang nagpadala ng mensahe si Sereno sa kanyang kapatid sa Hongkong at isang kaibigan sa Russia hinggil sa kanyang kalagayan doon ay saka lamang naasikaso ang problema ng OFW at nabigyan siya ng tulong matapos itong padalhan ng ticket ng kanyang kapatid.

Parang eksena sa pelikula ang dinanas ni Sereno. Masyado nga lang matagal ang isang buwang pananatili sa airport ngunit tiyak na kakaibang karanasan ito para sa kaniya.

Hindi lamang iyon. Matagal din bago siya nakapag-abiso ng kanyang kalagayan doon. Mabuti na lamang at may mga tumulong sa kanya kahit makakain lamang doon. Hindi na rin nabanggit sa report kung saan natutulog ang ating kabayan. Pero tulad din ng marami, maabilidad talaga ang Pinoy. Sumasabak kahit saan, todo-pasa lang, ‘ika nga.
Kung sakaling maulit ang ganitong problema, ipagbigay-alam sana agad sa mga opisyal ng airport ang kanilang kalagayan at tiyak namang maipaaabot ang kagyat na tulong na kanilang kailangan mula sa ating pamahalaan.

Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...