Napakagandang balita kung totoo ngang magbabalik na sa kanyang trabaho si John Lloyd Cruz. Kahit pa sangkatutak ang nagguguwapuhang artista ngayon ay hindi maitatanggi na may puwang na iniwanang bakante si JLC.
Anumang oras niyang gustong bumalik ay dalawang kamay siyang tatanggapin hindi lang ng kanyang mga tagahanga kundi maging ng mga kababayan nating sabik na sabik nang mapanood uli ang sikat at magaling na aktor.
Ang mga tulad ni JLC ang personalidad na pansamantala mang nawala para sa hinihiling niyang pahinga at kapribaduhan ay walang pagdadalawang-isip na tatanggapin pa rin ng publiko.
Mahirap iwanan ang showbiz. Sabi nga ng mga beteranong artista, kapag pinasok mo raw ang mundong ito ay nakabaon na ang magkabilang paa mo, umalis ka man pansamantala ay ihahatid ka pa rin ng mga paa mo pabalik sa lokal na aliwan.
Parang si Lloydie lang, nagdesisyon siyang pansamantalang talikuran ang mundong mahal na mahal niya para harapin ang isang tahimik na buhay na ligtas siya sa mga mapanuring pagpansin ng publiko.
Pero hindi nakuha ni John Lloyd ang isandaang porsiyento ng kapribaduhan na kanyang pinapangarap, wala man siya at nagpapahinga ay patuloy pa rin siyang pinag-uusapan, wala ring katahimikan ang kanyang buhay.
Kung nalalapit na nga ang pagbabalik sa pag-arte ni John Lloyd Cruz ay positibong balita ‘yun, wala pa namang humahalili sa puwestong binakante niya, kanyang-kanya pa rin ang trono.