PATI ang Kapamilya actress na si Bea Alonzo ay na-excite sa balitang babalik na sa showbiz ang kanyang ka-loveteam na si John Lloyd Cruz.
Sa kanyang Instagram account, nag-post si Bea ng isang video kung saan mapapanood ang isang lalaki na kahawig ni Lloydie na tila isang teaser para sa bagong project.
“Poy, ikaw ba yan?” ang tanging caption ni Bea sa kanyang IG post. Komento ng kanyang followers mukhang tuloy na tuloy na nga ang pagbabalik ni John Lloyd sa showbiz na matagal ding nawala sa eksena.
Ang “Poy” o Popoy ay ang karakter ni JLC sa 2007 blockbuster movie na “One More Chance” kung saan nakatambal nga ng aktor si Bea, na gumanap naman bilang Bash o Basha.
Umingay ang tungkol sa pagbabalik ni Lloydie nang mag-post si Piolo Pascual sa kanyang IG ng isang poster kung saan makikita ang isang lalaking kamukha ni JLC na may logo ng shawarma brand na ineendorso ni PJ.
Ipinost din ni John Lloyd sa kanyang Facebook at Instagram accounts ang nasabing poster na tila pagkumpirma na rin sa kanyang “return of the comeback”.