#MayHimala sa second life ni Gary: I’m fulfilling a purpose


NAGING  instant concert ang presscon ni Gary Valenciano kahapon para sa gaganaping concert tour niya sa Amerika ngayong buong buwan ng Abril.

Ang “He’s Back: Gary V US Tour” ay magsisimula sa April 12 sa Sam’s Town Hotel & Casino, Las Vegas bilang bahagi pa rin ng 35th anniversary niya sa showbiz.

Pinatunayan ni Gary na siya pa rin ang nag-iisang Mr. Pure Energy ng local music industry dahil hataw kung hataw ang huling production number na ginawa niya sa presscon with his classic dance hits, kabilang na ang “Hataw Na”.

Siniguro ni Gary na maayos na ang kanyang kundisyon at handang-handa na uling sumabak sa matinding hatawan matapos sumailalim sa open heart at kidney cancer surgeries last year. Nagpasalamat siya sa lahat ng doktor at nurse na gumamot at nag-alaga sa kanya, pati na rin sa mga taong nagdasal para sa kanya. At higit sa lahat, siyempre ang Diyos na nagbigay sa kanya ng bagong buhay.

Nakaka-inspire ang mga kuwento ng 56-year-old Kapamilya singer tungkol sa pinagdaanan niyang challenges noong kasagsagan ng kanyang pagkakasakit. In fairness, wala kang mababakas sa kanyang itsura ngayon na nakipaglaban siya sa cancer nitong mga nagdaang taon.

Sa mga pinagdaanan niyang hamon sa buhay, natanong si Gary kung takot ba siyang mamatay, “No, never been, lalo na now. I don’t know, I just feel na I think I’ll be afraid of death if I knew I was alive today tapos wala akong ginagawa to fulfill my whatever purpose is. But I’m doing that, e.

“I’m fulfilling a purpose. I see it in the faces of the young people. So if it’s time for me to go, then I know, at least, I know it’s time because nagawa ko na, natapos ko na ang lahat ng dapat gawin,” pahayag pa ng award-winning OPM icon.

Makakasama niya sa kanyang US concert tour sina Fearless Diva Jona at Suklay Diva Katrina Velarde.

Ang “He’s Back: Gary V US Tour” ay joint production ng Manila Genesis at Starmedia with TFC and ABS-CBN.

Read more...