Magpapakasal pinagbabaril

NASAWI ang isang guro habang sugatan ang nobyang nakatakda niya nang pakasalan, nang pagbabarilin sa Ballesteros, Cagayan, iniulat ng pulisya Miyerkules.

Itinakbo si Mark Alvin Sison, 34, at ang kasintahang si Olivia Turingan, 30, sa Ballesteros District Hospital, ngunit di na umabot nang buhay ang lalaki, ayon sa ulat ng Cagayan Valley regional police.

Inilipat si Olivia sa Far North General Hospital para sa karagdagang lunas.

Naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon Lunes, sa Brgy. Fugu.

Hinahanda nina Mark Alvin at Olivia ang kanilang mga wedding invitation, nang pagbabarilin ng dalawang lalaki, ayon sa ulat.

Nakilala ang mga suspek bilang ang kapitbahay nilang si Longfelo Duyan, 36, at pinsan nitong si Arnold Ubarre, 37.

Lumabas sa imbestigasyon na ilang oras bago ang pamamaril ay nakasagutan ni Hinel Turingan, ama ni Olivia, ang mga suspek.

Nadakip ng mga rumespondeng tauhan ng Ballesteros Police si Duyan, at pinaghahanap pa si Ubarre. (John Roson)

Read more...