Hindi solusyon ang paglayo sa problema

GOOD day, ateng Beth.
Ano po bang best kong gawin. May asawa po ako. Buntis siya ngayon. Biktima po siya ng pang-aabuso noong bata pa siya. At hanggang ngayon ay pinagtatangkaan pa rin siya ng tiyo niya na nanghalay sa kanya.
Gusto ko siyang ilayo sa lugar namin ngayon kasi natatakot ako para sa kanya at baka may magawa akong hindi maganda.
Ang kaso ateng Beth, di ko alam saan magsisimula. Wala kaming pera para lumuwas at maghanap ng ibang lugar na matutuluyan. Tapos mangnganak pa siya. Litong-lito na ako. Payuhan mo ako, Di na rin kasi ako makapag-isip nang maayos. Salamat po.
Marvin, Pangasinan

Kuya Marvin – ikaw ang asawa, ikaw ang dapat magtanggol at magprotekta sa asawa mo! Bakit parang mas takot ka pa kaysa sa kanya?
Bakit hindi niyo isumbong sa pulis o sa women’s desk ang pang-aabusong ginawa ng tiyo niya?
Bakit hindi ninyo isiwalat sa mga kamag-anak ninyo ang ginawang kahayupan ng tiyo niya?
Bakit kayo pa ang nahihiya samantalang hindi naman kasalanan ng asawa mo na manyak at demonyo ang kamag- anak niya?
Dapat ding sumaila-lim sa counselling ang misis mo bilang biktima ng pang-aabuso noong bata pa siya.
Malaking trauma yang dinadala niya at napakadelikdao sa kalagayan niya ngayon at lalo na kapag nanganak na sya at atakihin ng post partum depression.
Hindi paglayo ang solusyon. Pagharap sa pananakot at pagbabanta ang solusyon sa problema mo.
Kayo na nga ang ginawan ng masama, kayo pa ang lalayo? Kailangan panagutin yan sa batas. Hindi natin alam baka may nabiktima pa yang iba.
Lumapit kayo sa Public Attorney’s Office sa lugar ninyo at magpatulong. Ipa-counsel mo siya, at ikaw rin para malaman mo kung paano alagaan ang gaya ng misis mo.
Maging mapagmasid ka at huwag iwanang mag- isa si misis. Bukod sa lahat, unawain mo siyang mabuti.
Sana magkalakas ka ng loob, magkaroon ng mabilis at malinaw na pag iisip para protektahan ang misis mo at ang magiging anak ninyo.

Read more...