KUMUSTA na nga ba ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act (Republic Act 10586)? Naipatutupad ba ng maayos?
Wala kasing lumalabas sa balita na may nakasuhan ng batas na ito kahit pa may mga aksidente na lumalabas sa balita kung saan ang driver ay nakainom—minsan ay umamin pa ang driver na nakainom.
Noong 2014 ay lumabas ang Implementing Rules and Regulation ng batas na ito.
Malinaw naman sa batas na ang isang driver kapag napagsuspetsahan na nakainom (ng alak syempre) o gumamit ng ipinagbabawal na gamot bago o habang nagmamaneho ay dapat sumailaim sa sobriety test.
Pwedeng parahin ng traffic enforcer ang isang sasakyan, kung batay sa kanyang pagmamaneho ay nakainom ito. Madalas ang mga lasing ay pagewang-gewang sa kalsada at overspeeding.
Kapag bumagsak sa sobriety test, ang driver ay kailangang sumailalim breath analyzer o mga katulad na aparatu para malaman ang blood alcohol concentration level nito.
Kung ayaw sumailalim sa sobriety test ay mayroon kaagad parusa—automatic revocation ng driver’s license.
Kung pinaghihinalaan na lulong ito sa ipinagbabawal na droga, dapat ay isailalim ito sa drug screening test.
Nakasaad din sa batas na dapat sumailaim sa chemical test ang isang driver na nasangkot sa aksidente.
Marami-rami rin akong nabalitaang naaksidente, katulad halimbawa ng artista na nakasagi ng rider kaya hinabol ng mga pulis kamakailan, pero parang wala akong nabalitaan na nakasuhan sa ilalim ng batas na ito.
Sa Section 12 ng batas, kapag nagmaneho ka nang lasing o naka-droga ang parusa ay tatlong buwang kulong at P20,000-P80,000 multa.
Kapag nagresulta sa aksidente at may nasugatan ang parusa ay kung ano ang parusa sa ilalim ng Revised Penal Code (Article 263) sa kasong physical injuries—isang buwan hanggang 12 taong kulong depende sa pinsala ng biktima; at multang P100,000-P200,000.
Kung magreresulta sa kamatayan, ang parusa ay kung ano ang parusa sa homicide (12-20 taong pagkakakulong) at multang P300,000-P500,000.
Kung nonprofessional ang lisensya ng driver na nakamatay, suspendido ito nang 12 buwan sa unang paglabag. Sa ikalawang paglabag ay tuluyan nang kakanselahin ang kanyang prebilihiyo na makapagmaneho.
Kung professional ang driver’s license ay agad na revocation sa unang paglabag pa lamang kapag napatunayang guilty ng korte.
Hindi rin ligtas ang may-ari ng sasakyan dahil sa ilalim ng batas ay kasama siya sa babalikat sa multa at civil damages o ang ipababayad ng korte sa biktima o mga biktima.
Batas vs lasing/high na driver walang silbi
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...