MARKADO ng kanyang mga nasasakupan ang matinding tabas ng dila ng isang male personality na umaasinta sa mataas na posisyon sa kanilang siyudad.
Nagkakamali ang male personality kung magiging dahilan ng kanyang pananalo ang kakaibang angas ng kanyang pananalita, maling-mali siya, dahil pagkatapos niyang maglitanya sa entablado ay puro pintas ang kanyang inaabot.
Kuwento ng aming source, “Mahihirapan siyang paniwalain ang mga kababayan niya dahil kilalang-kilala siya du’n. Sabi nga, e, walang bayaning dinadakila sa sarili niyang bayan.
“Magsalita siya kung kasinglinis at kasingputi ng bond paper ang image niya, baka sakali pa siyang paniwalaan ng mga nakakarinig sa mga sinasabi niya!
“Ang problema, nu’ng magkaroon siya ng posisyon sa city nila, e, napakarami niyang ginawang hindi maganda, kaya ‘yun ang ipinupukol sa kanya ngayon, pinagtatawanan nga siya pagkatapos niyang magsalita sa entablado, e!” napapailing na kuwento ng aming source.
Walang utang na loob din ang isa pang pagpapakilala sa male personality-politician, napakarami niya kasing sinasagasaan sa pagtirador sa kanyang mga pangarap, ibang klase raw siya.
Patuloy ng aming source, “Hindi lang isa o dalawang pulitikong nakatulong sa kanya ang inuupakan niya, marami sila! Kapag tapos na kasi ang kailangan niya sa tao, e, basura na para sa kanya ang taong ‘yun!
“Magaling lang siya habang may kailangan pa siya, pero kapag wala na, goodbye na siya! Wala siyang loyalty! Kapag ‘yun ang katangiang hinanap mo sa kanya, e, para ka lang naghahanap ng karayom sa dayami.
“Kaya kung ang akala niya, e, ikapapanalo niya ang sobrang kaangasan at katabilan ng dila niya, e, nagkakamali siya, ‘yun mismo ang magbabaon sa kanya sa pagkabigo.
“Manalamin muna siya, tingnan muna niyang mabuti ang sarili niya bago siya umupak ng mga taong naging sandalan niya nu’n sa mga pangarap niya!
“Nagiging basura na ang bibig niya, napakarami niyang angal at pintas sa mga kalaban niya, pero ‘yung mga taong ‘yun mismo ang tumulong sa kanya. Basura!” naiinis na pagtatapos ng aming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, wala nang kailangang clue, alam na!
q q q
Ulilang-lubos na ngayon ang Star For All Seasons sa pagpanaw ng kanyang dakilang inang si Mommy Milagros nu’ng Lunes nang tanghali.
Matagal nang maysakit si Mommy Milagros, si Congresswoman Vilma Santos ang nag-aalaga sa kanya, pero hindi naman nagkukulang ang kanyang mga kapatid sa malayuang pagmamahal sa kanilang ina.
Ilang taon na ang nakararaan ay may kuwento si Congresswoman Vilma tungkol sa sitwasyon ng kanyang ina, sabi ng aktres, “Nakakalungkot lang na kapag nasa labas ako, e, maraming bumabati sa akin. Kilala nila ako.
“Pero kapag umuuwi na ako sa bahay, lungkot na lungkot ako, dahil hindi na ako kilala ni mama. Tatanungin niya ako, ‘Ikaw ba si Auring?’
“Hindi na niya ako nakikilala, may dementia na si mama, hindi na niya kami nakikilala ng mga kapatid ko,” kuwento ng Star For All Seasons.
Ayon kay Jojo Lim, tagapamuno ng VSSI, ay ilalagak ang mga labi ni Mommy Milagros sa Loyola, Sucat, Parañaque. Ngayong Miyerkules ang unang araw ng kanyang lamay para mabigyan ng pagkakataon ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan na makapagbigay ng huling pagsilip kay Mommy Milagros.
Ang mula sa puso naming pakikiramay sa buong pamilya ni Congresswoman Vilma Santos.
Male celebrity-politician walang utang na loob, masahol pa sa basura ang bunganga
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...