NBI may babala sa OFWs: Sindikato ng droga kumukuha ng ‘drug mules’ sa social media

NAGBABALA ang National Bureau of Investigation (NBI)sa mga overseas Filipino workers na maging alerto sa “work abroad scheme” na ipinopost sa social media matapos namang maaresto ang tatlong Pinoy na papuntang Thailand na may dala-dalang 3.297 kilo o P16 milyong halaga ng cocaine.

Kabilang sa mga naaresto ng NBI ay sina Ma. Clara Q. Bedico, Alvin J. Avila, and Antonette R.Mendiola noong Marso 28. Naghihintay sina Bedico at Avila ng kanilang flight papuntang Thailand nang sila ay arestuhin ng NBI.

Sinabi ni NBI Deputy Director Eric Distor na ginagamit ng mga sindikato ng droga ang lumang modus kung saan nagre-recruit sila ng mga Pinoy na mga courier sa pamamagitan ng “work abroad scheme” na ipinopost sa Facebook.

“Warning po namin sa mga OFW beware of this enticement. Ipo-post saFacebook and they will entice the OFW to transport jewelries kunyari yun pala may palamang drugs,” sabi ni NBI-Special Action Unit Chief Emeterio Dongallo Jr.

Idinagdag ni Deputy Director Vicente De Guzman na ginagamit ng Western African Drug Syndicate (WADS) ang kanilang mga kasabwat na Pinay para mag-recruit ng mga potensyal na drug mule.
Sinabi ng NBI na si Mendiola ang nag-recruit kina Bedico at Avila para mag-deliber ng librong pambata sa Thailand.

Naaresto ang tatlo sa isang fast food chain malapit sa Ninoy Aquino International Airport (Naia).

Galing ang cocaine mula sa Brazil at dinala sa Pilipinas.
Sinabi ng NBI na nakatakda sanang dalhin ang cocaine sa Thailand at ibebenta ng mas mahal. Inquirer.net

Read more...