KUNG walang magiging hadlang, lalakas ng husto ng Philippine women’s basketball team na isasabak ang tatlong Fil-American players sa 30th Southeast Asian Games.
Kumpiyansa si PH women’s team coach Pat Aquino, arkitekto sa makasaysayang five-peat at 80-0 winning run ng National University Lady Bulldogs sa UAAP, na makakamit ng Pilipinas ang gintong medalya sa biennial meet na nakatakda sa Nobyembre 27 hanggang Disyembre 11.
‘‘I don’t want to say that we’re strong. We fell victims to the breaks of the game in the last SEA Games in Indonesia. We’re just going to prepare very hard and well to get back at our rivals,” sabi ni Aquino sa ginanap na ‘Usapang Sports’ ng Tabloid Organization in Philippine Sports nitong Huwebes sa National Press Club (NPC) sa Intramuros, Maynila.
Nagmistulang traditional bridesmaid ang mga Filipina cagers sa mga nakalipas na edisyon ng SEA Games kabilang na ang 2017 edisyon sa Kuala Lumpur, Malaysia na pinagwagian ng Indonesia.
Sinabi ni Aquino na dalangin niyang makalaro sa PH Team ang mga Fil-Am cagers na sina Gabe Bade, Arnecia Hawkins, at Kelli Hayes.
Idinagdag pa ni Aquino na malaking tulong ang tatlong Fil-Am cagers sa koponan na pagbibidahan ni two-time UAAP Season Most Valuable Player Jack Animan ng NU Lady Bulldogs.
“Lagi po kaming kinakapos. This time, sa harap ng homecrowd hopefully ma-break na namin yung jinx,” sabi naman ni Animan, na maglalaro sa kanyang ikatlong SEA Games at ikalimang taon sa NU Lady Bulldogs.