NABIGO ang isang nagpapakilalang kaibigan ni Pangulong Duterte na makuha ang basbas ng pangulo sa kanyang mayoralty bid sa isang lungsod sa Mindanao.
Madalas kasing ibida ng dating opisyal na siya ang bibigyan ng suporta ng pangulo sa darating na halalan.
Sinabi ng ating Cricket na alam ng pangulo ang kalokohan ng dating opisyal na kilala sa husay sa paggawa ng pagkakakitaan sa mga ahensiyang kanyang pinaglingkuran.
Noong 2016 elections ay malaki rin naman ang naitulong ng ating bida sa social media campaign ng pangulo pero mali naman na angkinin niya ang credit dito.
Sa totoo lang ay maraming grupo ang tumulong para maging malakas ang online presence ng grupo ni Duterte noong 2016 pero ito ay inaangkin ni Sir na kilala rin sa kanyang angking kayabangan.
Dati siyang naitalaga sa isang ahensya na maraming pera bilang miyembro ng board pero imbes na gampanan ang kanyang tungkulin ay gusto niyang gamitin ang pera ng ahensiyang iyun para sa mga special operations na naglalayong itaguyod ang “PR” ng pangulo.
Nang mabisto ang kanyang raket ay inilipat naman siya bilang “usec” sa isang kagawaran pero wala ring nangyari dahil hindi siya nakaporma sa mahigpit na pagbabantay sa kanya ng kalihim na bistado na ang kanyang mga raket sa gobyerno.
Iyun ay dahilan kaya no choice si Sir kundi sumubok sa pulitika kaya nagbakasakali siyang tumakbo bilang mayor sa pag-aakalang susuportahan pa siya ng pangulo.
Hindi nakalkula ni Sir na iba rin ang diskarte ng kanyang kalaban na siya namang incumbent mayor sa lungsod.
Kinuha ng incumbent mayor na konsehal sa kanyang grupo ang isa sa mga magagandang “bestfriend” ng pangulo.
Dahil dito si mayor pa rin ang susuportahan ng pangulo sa halalan at naiwan sa kangkungan ang dating opisyal na puno ng yabang sa katawan.
Ang dating opisyal na nabigong makuha ang suporta ng pangulo sa kanyang mayoralty bid sa isang kilalang lungsod sa Mindanao ay si Mr. L…as in Langhiya.