SUCCESSFUL, ang katagang hindi namin halos naririnig sa mga OFW na nagtutungo sa Bantay OCW mula sa ibayong dagat.
Madalas kasing luhaan ang ating mga OFW na dumanas ng mapapait na mga karanasang sa kamay ng malulupit na employer.
Marami rin ang piniling manahimik na lamang at huwag nang magkwento sa iba ng kanilang mga pangit at nakasisindak na mga karanasan.
Pero siyempre pa, totoo rin namang may mga nagtatagumpay sa kanilang pagtatrabaho sa abroad ngunit nasira naman ang mga relasyong pampamilya. Tulad ng mga hiwalayang mag-asawa at rebeldeng mga anak.
May mga nagsasabi namang sakto lang!
Iba ang naging kuwento ni Erlinda Espenida. Matapos ang maraming mga taon ng kanyang pangingibang-bayan, dumanas siya ng hindi magagandang mga karanasan. Pero sa kanyang pinakahuling pag-aabroad, sa wakas, narinig namin ang katagang “successful” nang tanungin namin siya kung kumusta ang kanyang paga-abroad.
Magaling na mananahi si Erlinda. At sa kaniyang pagbalik sa bansa, nagdesisyon siyang dito na ituloy ang kanyang hanapbuhay at hindi na muling mag-aabroad.
Ayaw pa nga siyang payagan ng kanyang employer na umuwi dahil wala silang aasahan kung aalis siya.
Masaya ring ibinalita ni Erlinda na nag-abroad na rin ang panganay na anak na lalaki at nagtatrabaho ngayon sa isang prinsipe.
Kuntento at maligaya na si Erlinda sa kanyang buhay sa Pilipinas. Tumatanggap siya ng mga patahi tulad ng mga gown, damit, bed sheet, kurtina pati na mga seat cover.
Para sa kanya, iyan ang tunay na kahulugan ng pagiging successful. Tagumpay na maituturing niya ang kanyang buhay pag-aabroad at ngayon ay tumutulong pa sa kapwa OFW sa pamamagitan ng pagdadala ng mga reklamo nila sa Bantay OCW.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com