BINIGYANG-PUGAY ng ABS-CBN ang manonood at tagapakinig nito sa pamamagitan ng isang serye ng video tampok ang kwento ng mga Pilipinong nagpapakita ng magandang asal, katatagan at karakter sa kanilang buhay at naging inspirasyon ng Kapamilya Network sa mga nagdaang taon.
Simula noong Marso 27, ibinahagi ng ABS-CBN ang kanilang mga kwento sa TV Patrol at sa ABS-CBN Entertainment YouTube bilang bahagi ng selebrasyon ng network sa mahigit 65 taong paglilingkod sa mga Pilipino.
Isa sa kanila si Ryan Canda, isang talent show contestant na ipinanganak na may “cleft palate.” Dahil sa kapansanan, nagpursige siyang linangin ang talento sa pagsasayaw, kung saan hindi kailangan ang pananalita at para makaiwas sa pangungutya ng iba.
Unti-unti nang natutupad ang kanyang mga pangarap, lalo na nang umabot sa The Cut Round ang kanyang grupo sa World of Dance Philippines.
Samantala, si Enrique Vista naman ay isang person with disability (PWD) na hindi sapat ang kinikita para sa pamilya.
Pangarap niyang mailabas ang misis na si Rowena at sa pamamagitan ng pagsali sa “Once Upon A Heart” contest sa DZMM, napanalunan niya ang matagal nang inaasaman na romantic date.
Isang masigasig na “Kapamilya” fan naman si Anthony Bendo, na sa kanyang mga paboritong drama at teleserye humuhugot ng lakas, tapang, at inspirasyon para magpursige sa pag-aaral at pagtatrabaho,
Ipinakilala ng ABS-CBN ang teknolohiya ng telebisyon sa Pilipinas noong 1953. Noong 1967, ibinahagi ng unang chairman ng ABS-CBN na si Eugenio “Geny” Lopez Jr. ang motto ng ABS-CBN na “In the Service of the Filipino,” na patuloy na pinaninindigan ng network at mga empleyado nito.
Kasalukuyang naglilingkod ang ABS-CBN sa publiko sa pamamagitan ng free TV, digital terrestrial TV, radyo, cable, musika, mga publikasyon, internet content and services, live events, recreation parks at sa pagsuporta sa sports.
Marami ring adbokasiya at programa ang ABS-CBN na nakakatulong sa pagprotekta at pangangalaga sa mga bata, kalikasayan, at kalusugan ng bayan; sa pagbibigay o pagtuturo ng pagkakakitaan sa mga Pilipino at pagsaklolo at paghahatid ng ayuda sa mga nangangailangan.
Nagsisilbi na rin ngayon ang ABS-CBN sa lahat ng Pilipino at sa buong mundo sa paghahatid nito ng magagandang palabas sa Asia, Africa, Europe at South America.
Samahan ang Kapamilya network sa pagsaludo sa mga minamahal na Kapamilya sa pagdiriwang ang ika-66 na anibersaryo ng ABS-CBN. Mapapanood rin ang videos sa ABS-CBN Entertainment YouTube.