Laro sa Sabado (Marso 30)
(Filoil Flying V Centre)
4 p.m. F2 Logistics vs Foton
6 p.m. Petron vs United VC
IPINAMALAS ni Kendra Dahlke ang kanyang husay matapos buhatin ang PLDT Home Fibr Power Hitters sa 25-23, 25-16, 25-22 panalo kontra United VC sa kanilang 2019 Philippine Superliga Grand Prix game Huwebes ng hapon sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Itinapat sa kanyang dating kakampi sa Arizona na si Kalei Mau, binuhat ni Dahlke ang Power Hitters sa pagwawagi na nagkaloob dito ng ikatlong twice-to-beat incentive sa quarterfinals ng prestihiyosong women’s club tournament.
Kumana si Dahlke ng 21 kills, dalawang blocks at isang ace para magtala ng 24 puntos habang nag-ambag si Grace Lazard ng 15 puntos habang si Aiko Urdas ay nagdagdag ng siyam na puntos para sa PLDT, na nakakuha ng impresibong paglalaro mula sa setter nitong si Jasmine Nabor na may 24 excellent sets na simahan niya ng 18 digs at tatlong attacks.
Bunga ng panalo, umangat ang Power Hitters sa ikatlong puwesto sa hawak nitong 8-6 kartada subalit puwede pa rin silang abutan ng kasalukuyang nasa ikaapat na puwesto na Cignal HD Spikers kung magwawagi ito kontra F2 Logistics Cargo Movers sa loob ng tatlong hanggang apat na set sa darating na Huwebes.
Nalaglag naman ang United VC sa 6-6 karta at nangangailangan na ipanalo ang nalalabing dalawang laro para masungkit ang huling quarterfinal bonus.