Migo Adecer nakalaya na matapos magpiyansa; 2 tauhan ng MMDA hindi na magdedemanda

NAKALABAS na ng kulungan ang Kapuso actor na si Migo Adecer matapos magpiyansa para sa mga kasong isinampa sa kanya kaugnay ng kinasangkutan nitong hit-and-run sa Makati City.

Sa official statement na inilabas ng legal counsel ni Migo na si Marie Glen Abraham-Garduque, sinabi nitong handang humingi ng tawad ang binata sa lahat ng nasaktan sa nasabing aksidente.

“This was not a good experience to Migo, but he learned a lot from this. He would like to apologize to all the persons who had been adversely affected by this incident,” ayon sa abogado ng aktor.

Bago makapagpiyansa, sumailalim muna si Migo, 19, Douglas Errol Dreyfus Adecer sa tunay na buhay, sa inquest procedure sa Makati City Prosecutor’s Office para sa kasong “disobedience to a person in authority.”

“He already said sorry to the police authorities explaining to them that disobeying them is his most remote intention. Whatever he said and done was just a product of mixed fear and confusion because of the situation,” sabi pa ni Atty. Garduque.

Kung matatandaan, nakasagasa si Migo ng dalawang empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kahabaan ng Poblacion, Makati nitong Martes ng gabi, ngunit tinakbuhan umano ang mga ito ng binata kaya hinabol siya ng mga otoridad hanggang sa makorner sa JP Rizal St.Ayon kay Migo hindi niya araw alam na may nasagasaan siya. Ngunit ayon sa mga nanghuli sa kanya talagang plano niyang tumakas dahil hindi talaga siya huminto sa pagmamaneho hanggang sa mahuli ng mga pulis.

Ngunit ayon sa mga nasagsaan ni Migo na nakilalang sina Rogelio Formelos Castillano at Michelle Gallova Papin hindi na sila magsasampa ng kaso laban sa binata.

“He would like to say thank you as well to the 2 victims, who are kind enough to forgive him and decided to desist in filing any legal action against him,” ayon pa sa abogado ng aktor.

Handa ring sagutin ni Migo ang lahat ng gagastusin ng mga biktima habang nagpapagamot sa Ospital ng Makati.

Si Migo ang tinanghal na Male Ultimate Survivor sa season 6 ng Kapuso artista search na StarStruck.

Narito naman ang official statement ng GMA Artist Center, ang nangangalaga sa career ni Migo, “He is willing to assist the two people injured and his lawyer is now coordinating with them. We defer to Migo’s lawyer to address all legal matters regarding this incident.”

Read more...