MAGKASABAY palang ipalalabas ang mga pelikulang “Stranded” nina Jessy Mendiola at Arjo Atayde under Regal Films at “Last Fool Show” ni JM de Guzman mula naman sa Star Cinema sa darating na Abril 10.
Kaya sa presscon ng “Stranded” ay itinanong kay Jessy kung ano ang pakiramdam dahil makakatapat nila ang movie ng ng ex-boyfriend niyang si JM.
Sagot ni Jessy, hindi raw niya nakikitang kumpetisyon ito dahil parehong local films na dapat suportahan ng mga Pinoy, “Kung puwede n’yong panoorin parehas bakit naman hindi?
“Basta mas maganda ‘yung sunud-sunod na maglabas ng mga pelikulang Pinoy kasi siyempre medyo naghihikahos na ang ating movie industry.
“So sana, as much as possible, kung makakalabas tayo ng maraming pelikulang Pinoy, bakit hindi? At siyempre kung maglalabas kami, sana mas marami rin ang sumuporta sa lahat ng pelikula. Okay lang kung magkasabay,” lahad ng dalaga.
Dagdag pa niya, “Actually, nagulat kami na magkasabay kasi nu’ng una hindi talaga kami April 10 but then I guess sila Mother Lily (Monteverde) decided to show it earlier para maging summer film siya. Magkaiba naman kami ng kuwento, eh.”
Bagama’t parehong romantic comedy ang dalawang pelikula ay iba naman ang pagkakagawa.
“Magkaiba ng atake, ng kuwento. Ours is more of like inspiring story about how two lives are changed by each other. Sa kanila naman I think is about exes, about imagination and everything,” paliwanag ng aktres.
Speaking of JM, natanong din si Jessy kung ready na siyang makasama sa isang project ang ex-boyfriend, “Ako willing ako pero siya yata hindi. Baka hindi pa siya ready (natawa). Nag-a-assume lang ako ha, huwag n’yo ako masyado seryosohin.
“Ako okay lang sa akin basta trabaho. Nagkita lang yata kami parang two months ago sa ASAP. Baka hindi lang nagkakataon. I don’t call the shots.
“So nasa management ‘yun or sa kung may gusto man kumuha sa amin together, nasa kanila ‘yun. Pero wala pa naman pagkakataon na kinukuha kami sa isang project so wala. I guess it’s not meant to be,” sabi ng dalaga.
Ayon kina Jessy at Arjo, sana’y maki-Stranded sa kanila sa mga sinehan ang mga manonood sa Abril 10 handog ng Regal Entertainment mula sa direksyon ni Ice Adanan.