Kabayong OFW!

IPINAGKAKATIWALA ng mga magulang ang kanilang mga anak sa kanilang mga kasambahay.
Pero paano kung may asal-kabayo pala ang dapat sana’y pinagkatiwalaang pag-iwanan ng mga anak ng kanilang employer?
Kapag tumanggap ng OFW bilang domestic worker ang isang dayuhang employer, tanging tinitingnan lamang doon ang kakayahan nito at kaalaman sa mga gawaing-bahay.
Hindi na nabubusisi ang buong pagkatao ng isang aplikante. Walang background check o character investigation sa kanila.
Ni hindi rin humihingi ng mga referral o endorsement kung maaasahan, matino at mapagkakatiwalaan nga ba sila. Sa katotohanan, suntok sa buwan din o bahala na ang pag-iisip ng mga employer sa pagkuha ng kanilang kasambahay.
Hindi nila kilala ang taong tinatanggap sa kanilang mga tahanan. Tanging kailangan lamang nila ang isang manggagawang mapag-iiwanan sa kanilang tahanan at mga anak.
Kasama ng pagtanggap na iyon ang buhos na pagtitiwala dahil mahirap nga namang iwanan ang kanilang kapamilya sa isang taong ni hindi pa nila nakikilala.
Pero iba ang naging karanasan ng employer sa Hongkong. Wala pang anim na buwan na nagtatrabaho ang OFW sa kaniya, ngunit nagawa nito ang isang bagay na hindi maubos-maisip ng employer na kayang gawin sa kaniyang anak.
Dahil walang tigil sa kaiiyak ang pitong-taong-gulang na bata, kung kaya’t sinipa ito ng OFW.
Mabilis namang inireklamo ang Pinay sa pulis at sinampahan ito ng kaso ng mga magulang. Aminado naman ang OFW sa kanyang nagawa. Ngunit desidido rin ang hukom na papanagutin ang Pinay sa kanyang pagkakasala.
Nahatulan ng pagkakulong ang OFW dahil sa paninipa nito sa kanyang alaga sa halip na alagaan nito at patahanin ang nag-aalburotong alaga.
Matindi na talaga ang pag-uugali ng tao ngayon. Nawawalan na rin sila ng pagpipigil sa sarili at nakakalimot na anak ng amo at hindi niya kaano-ano ang kaniyang inaalagaan.
Marahil maaaring isipin na kapag malupit sa kanilang sariling mga anak, tiyak na magiging ganoon din ang pagtrato nito sa kanyang mga alaga.
Ang pagkakaiba nga lang, mabilis na makapagrereklamo sa pulis at sa korte kung sakaling may mga pang-aabusong nagawa.
Maging sa Pilipinas ay ganoon din, ngunit hindi naman siya nagsusumbong ang batang pinagmamalupitan ng magulang. Akala nila ay bahagi iyon ng pagdidisiplina sa kanila.
Maliban na lamang kung may mga ibang taong nakakasaksi sa mga pagmamalupit na iyon ay saka pa lamang may magrereklamo laban sa kanila.
Matinding pagpipigil sa sarili ang kailangan sa mga panahong mapanganib tulad ngayon. Huwag maging kabayo sa inyong mga alaga!

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...