Rider, driver sa IBP Road pasaway

ANG tagal-tagal nang may batas para magsuot ng helmet ang mga rider pero madami pa ring hindi sumusunod. Noong 2009 pa may Motorcycle Helmet Act na, isang dekada na ito.
Sabi sa batas ang helmet dapat ay dapat pasado sa Philippine Standard para tiyak na mapoproteksyunan ng ulo kapag naaksidente ang rider.
Ang magmamaneho ng motorsiklo ng walang suot na helmet ay magmumulta ng P1,500 sa unang paglabag, P3,000 sa ikalawa, P10,000 sa ikatlo at P10,000 at pagkumpiska sa lisensya sa ikaapat at susunod pang paglabag.
Kung isa kang rider e susunod ka talaga. Mas malaki pa yung multa kesa sa presyo ng helmet.
Pero bakit ganun, sa IBP Rd., (Interim Batasang Pambansa) sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City madaming hindi sumusunod sa Helmet law.
Sa IBP Rd., matatagpuan ang Kamara de Representantes, isa sa mga sangay ng gobyerno na ang trabaho ay gumawa ng batas.
Hindi naman sakop ng liderato ng Kamara ang IBP Rd., pero nakakainis lang na sila ang gumawa ng batas tapos sa labas lang ng complex nila ay nilalabag ito.
Ang isa pang kinaiinisan ng mga motorista ay parang exempted ang mga rider na walang helmet.
Dinadaan-daan lang nila ang mga traffic enforcer na hindi rin naman sila sinisita.
Kapag tinanong mo kung bakit walang helmet, ang sasabihin sa iyo malapit lang naman ang pupuntahin nila.
Wala namang akong nabasa sa batas na nagsasabi na kung malapit ka lang pwedeng huwag ka ng magsuot ng helmet.
Wala na ngang helmet, marami ring rider ang may angkas na bata na hindi abot sa apakan ang paa. Meron ding mga rider na hindi lang tatlo ang sakay kundi apat. Ang pinapayagan lang na sakay ng motorsiklo ay dalawa lang po.
***
Bukod sa mga rider, marami ring pasaway na tricycle driver sa IBP Road. Sa labas ng Batasan Complex ay mayroong dalawang stoplight. Ang isa ay nasa tapat ng south gate ng Batasan at Station 6 ng Quezon City Police District.
Parang may exemption ang mga tricycle kapag dumaraan ang lugar dahil kahit na naka-pula ang ilaw ay tuloy-tuloy lang sila. Parang walang nakita at parang pwedeng i-welding ang kanilang mga katawan kapag nabangga.
Wala namang ginagawa yung mga traffic enforcer na parang wala ring nakita.
Minsang napag-usapan sa umpukan ang mga ginagawa ng mga tricycle driver, lumabas nag iba’t ibang teorya. Baka daw nakapatong ang mga tricycle driver sa mga traffic enforcer, kakilala ng enforcer ang mga driver kaya wala lang, baka takot ang mga traffic enforcer dahil siga ang mga tricycle driver, o baka hindi alam ng enforcer ang batas trapiko.

Read more...