Kai Sotto tutok na sa pangarap na makapasok sa NBA

Kai Zachary Sotto

TULUYAN nang nagdesisyon ang 7-foot-1 na sentrong si Kai Zachary Sotto na umalis ng Pilipinas upang sumabak sa puspusang pagsasanay at matitinding paglalaro sa mga torneo sa ibang bansa.

Sinabi mismo ng 16-anyos na si Sotto Lunes ng hapon na nakapagdesisyon na ito kasama ang kanyang pamilya na tanggapin ang alok na makapag-ensayo sa Europa at Amerika.

Una nang nabatid mula sa pamilya ni Sotto ang posibilidad na maglalaro si Kai sa Europa subalit ilang malalapit dito ang nagsabi na nakatakda itong pumirma ng kontrata sa isang ahensiya na nakabase mismo sa Amerika.

Limang koponan ang nag-aagawan para mapapirma si Sotto sa pangunguna ng Real Madrid, Barcelona, Baskonia, Estudiantes at Alba-Berlin.

Dalawang koponan mula sa US NCAA ang nakipag-usap din kay Sotto para makuha ang serbisyo nito.

“Nakapag-decide na po ako at ang pamilya ko. I’ll be leaving soon to start training full time. I want to devote the next two to three years to single-mindedly focus on my goal of joining the NBA by 2021 or 2022,” sabi ni Sotto sa kanya mismong Facebook account.

“After a lot of effort by men and my dad to assess all the opportunities presented to me, I strongly feels (with his advice and the advice of other experienced mentors) that leaving immediately to start my training and getting the right exposure will go a long way to realize my dream,” sabi pa ni Sotto, na hinatid ang Ateneo Blue Eaglets sa kampeonato ng UAAP Season 80 juniors basketball.

“Pinag-isipan ko po ito ng mabuti. I will train very hard and sacrifice and focus in the next few years so that one day soon, you will be very proud of me. Gagawin ko po lahat ng makakaya ko, with the guidance of my Dad and Mom, to be the very best that I can be. Para po ito sa future ko, ng pamilya ko, at especially po, para sa Batang Gilas, Gilas Pilipinas at higit sa lahat, para sa bayan!” dagdag ni Sotto.

“Gusto ko po pasalamatan ang Ateneo, si Tito Arben Santos, at si Boss MVP para sa lahat ng tulong nila. Sana po all of you will support me and pray for me. I will strive very hard and never to let you down.”

Read more...