NAGSAMA-sama ang mga riders kahapon u-pang iprotesta ang batas na magpapalaki ng plaka ng mga motorsiklo.
Tutol ang mga rider sa Motorcycle Crime Prevention Act (RA 11235) na nilagdaan ni Pangulong Duterte kamakailan dahil maaari umano itong magdulot ng aksidente.
Maituturing din umano itong diskriminasyon dahil ang pinupuntirya lamang ng batas ay ang kanilang hanay.
Ginawa ang batas para hindi na umano magamit ang motorsiklo sa krimen, pero ayon sa mga rider nakaw ang ginagamit na motorsiklo ng mga kriminal.
Ayon sa Section 5 ng batas, dapat ay gumawa ang Land Transportation Office ng “Bigger, Readable and Color-Coded Number Plates.”
Ang LTO ang inatasan na gumawa ng plaka pero nagtakda ang batas ng mga kondisyon:
– Ang plaka ay dapat mababasa sa layong 15 metro
– Dapat ay color-coded ang plaka at magkakaiba sa bawat rehiyon
– Ang plaka ay dapat nakakabit sa harap at likod ng motorsiklo
– Ang gagawa ng kompanya ay dapat gumamit ng serbisyo ng mga preso
Ang mga hindi maglalagay ng plaka ay makukulong ng anim na buwan hanggang anim na taon at pagmumultahin ng P50,000-P100,000. Kukumpiskahin din ang motorsiklo. — Leifbilly Begas