NA-TOUCH ang mga artista at produksyon ng GMA Telebabad series na Sahaya sa viral post ng isang netizen tungkol sa kanilang makabuluhang programa.
Pinuri ng Facebook user na si Willyan Maglente ang bagong Kapuso serye kasabay ng panawagan nito sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Department of Education na mabigyan sana ito ng rekomendasyon para panoorin at tutukan ng mga estudyante gabi-gabi.
Kasisimula pa lang ng Sahaya last Monday na pinagbibidahan nina Bianca Umali, Miguel Tanfelix at Migo Adecer pero nagmarka agad ito sa manonood at mainit na pinag-uusapan sa social media.
Narito ang kabuuan ng Facebook status ni Willyan Maglente: “Nakakatakot ang pagsusugal sa isang ‘out-of-the-box concept’ na katulad nito lalo pa’t tumatalakay ito sa isa sa mga katutubong grupo natin, ang mga Sama Dilaut o mas kilala bilang mga Badjaw. Isang paksa na para sa marami ay dapat na pinag-uusapan sa loob lamang ng paaralan.
“Pero tama ang GMA 7, mayroon ng malaking market ang mga progresibong tema ng mga drama sa telebisyon. Kung sabagay, hindi ito ang una nilang paghahatid ng mga kuwentong malalim, mapaghamon, edukasyunal at may katuturan sa tunay na buhay. Lahat ng mga iyon ay pumatok.
“Salamat, Kapuso network sa mataas na pagtingin sa aming mga manonood. Ang usaping panglipunan ay dapat na tinatalakay ng mga pamilya, ng mga magbabarkada, ng mga magkakapitbahay, ng mga magkakatrabaho at maging ng magkasintahan.
“Ganitong antas ng palabas sa telebisyon ang noon pa man ay ninanais ng dekalibreng theater artist na si Madam Cecile Alvarez, akmang-akma ang Sahaya para sa pamantayan bilang isang ‘soap opera for social change’ na humihimok sa atin na matuto, umunawa, kumilos, magpahalaga, at magbigay respeto.”
“Pagbati din sa cast and crew lalung-lalo na kay Ms. Jasmine Curtis-Smith bilang young Manisan, pinahanga mo ako sa malalim mong pagganap sa karakter, damang-dama naming mga manonood ang iyong pagiging Sama Dilaut. Gayundin kay Karl Medina, na pinangarap na ama ng marami. Iyong malumanay na tinig na mayroong ‘conviction’ at pagmamahal ay akmang paglalarawan ng mga tipikal na lider Badjaw.
“Sumasabog na congratulations sa mga writers – Suzette Doctolero, J-Mee Katanyag at Marlon Gonzales Miguel, kina Direk Zig Dulay at Aloy Adlawan, at sa nagpapakahirap na produksyon.”