PINAGTIBAY ng Magnolia ang hangarin nito na umabante sa playoffs ng 2019 PBA Philippine Cup matapos paluhurin ang Blackwater, 97-87, Biyernes ng gabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Nagposte ang anim na Hotshots ng double digits sa pamumuno ni Rome dela Rosa na may 17 puntos para pagandahin ang kartada ng Magnolia sa 5-5 at pumanganim sa leaderboard.
“Sinabi ko sa kanila na maybe its a grinding game kasi mahirap talagang kalaban yung Blackwater. We know na pupunta lang sila dito maglalaro, walang pressure,” sabi ni Magnolia head coach Chito Victolero matapos ang ikapitong laro ng Hotshots sa loob ng 20 araw.
Magagamit ng Magnolia ang isa’t kalahating linggong pahinga dahil sa PBA All-Star Week para paghandaan ang huli at krusyal na laban sa Road Warriors sa April 3.
Ang panalo ng Hotshots kontra Road Warriors ang opisyal na seselyo sa pagpasok nila sa quarterfinals ngunit kung matalo sila at mawalis ng Meralco, NLEX at Alaska ang mga natitirang laro nito ay maaari pang malaglag ang Hotshots sa 9th-10th place.
“Ang alam ko lang kailangan namin manalo on our last game,” sabi pa ni Victolero.