Payo ni Sofia kay Diego: Wag muna siguro siyang bumalik sa showbiz

SYLVIA SANCHEZ AT SOFIA ANDRES

SA nakaraang special screening ng iWant digital series na Bagman nitong Martes, ay isa si Sofia Andres sa sumuporta kay Arjo Atayde.

Close ang aktres sa mama ng aktor na si Sylvia Sanchez at nagkatrabaho rin sila sa pelikulang “Mama’s Girl” ng Regal Films.

Binibiro namin si Sofia kung nagbago na ba siya ng image, dumating kasi siya sa event na naka-leather jacket at jeans. Dati kasi ay girl na girl siya kapag dumadalo sa mga espesyal na okasyon. Tinawag nga namin siyang “rockstar” na ginantihan lang kami ng ngiti.

In fairness, ang ganda-ganda ni Sofia ngayon, ang fresh at halatang kuntento sa lovelife niya. Palagi kasi siyang nagpo-post sa kanyang Instagram account ng mga litrato nila ng kanyang bagong boyfriend, ang car racer na si Daniel Miranda na tubong-Davao City.

“Liberating siya, wala kaming dapat itago, very comfortable ako with life. ‘Yun naman ang importante.

Iba kasi pag masyado kang maraming tinatago,” saad ng dalaga.

Mas maganda raw ang pakiramdam niya ngayon sa boyfriend niya, “Opo, mahirap kasi kapag maraming tinatago.”

Oo nga pala, tanda namin ay hindi naman nila inamin ni Diego Loyzaga ang kanilang relasyon pero lagi naman silang nakikitang lumalabas noon kasama ang kapatid at mama niya.

Diretsong tanong namin kung mas in love ngayon si Sofia kay Daniel, “Yes!” mabilis niyang sagot.

Bukod dito ay walang problema sa mga pamilya nina Sofia at Daniel kaya talagang masaya ang takbo ng kanilang relasyon, walang pressure. At ang ipinagdiinan pa niya, “Hindi po siya chick boy kaya okay siya.”

“Mas okay po kapag hindi (taga) showbiz kasi hindi siya uma-acting. Mapi-feel mo kung uma-acting o hindi, eh,” sabi pa ng aktres.

Super supportive raw ang boyfriend ni Sofia sa kanya bilang artista dahil abala rin naman ang guy sa pangangarera, “Ang sports niya rin po kasi sa ibang bansa so okay naman.”

Samantala, matatandaang dumaan sa depresyon noon si Sofia sa maraming bagay kaya maraming media ang nairita sa kanya dahil hindi siya naintindihan, “Pero okay na po ako ngayon.”

Hindi naman naiwasang tanungin kay Sofia ang tungkol sa ex-boyfriend niyang si Diego, “I have no idea po, wala na akong balita sa kanya simula po nu’ng nangyari ‘yun (balitang nagtangkang magpakamatay),” aniya pa.

Nakasama nang matagal ni Sofia si Diego at kilala na rin niya ito kahit paano, kaya ang tanong sa kanya kung posible ba talagang ginusto nitong kitilin ang kanyang buhay?

“Mayroon po kasi siyang depresyon. Actually, we have depression before, anxiety, which is normal for us.

“Siguro sa kanya, sa mga pinagdadaanan niya sa life, I don’t know kung ano ang nangyari sa kanya, pero I’m not quite surprised,” esplika ng aktres.

Aminado ang dalaga na nalungkot siya nang mabalitaan ang nangyari kay Diego, “Sobra, I cried, but I didn’t try to call anyone. It’s not my responsibilty anymore. Mahirap ding ma-involve kasi dati sobrang gulo,” ani Sofia.

At nalaman naman ng dalaga na okay na ang aktor nang tanungin nito ang handler iya.

Pero ayon din sa aktres, hindi muna dapat bumalik sa showbiz si Diego, “Parang I don’t think so, kasi hindi makakatulong sa kanya kung babalik agad siya. Hindi makakatulong sa mindset niya, or mentally.”

Anyway, babalik na rin sa paggawa ng teleserye si Sofia at mas masaya siya ngayon dahil makakasama siya sa bagong TV series nina Joshua Garcia at Julia Barretto. Abala rin si Sofia ngayon sa bagong niyang business.

Read more...