INANUNSYO ng Social Security System (SSS) na simula sa Abril 1 ay ipatutupad na ang bagong iskedyul ng kontribusyon kung saan tataas ang savings rate ng mga miyembro na magbibigay ng mas mataas na benepisyo sa kanilang pagreretiro.
Alinsunod sa Batas Republika 11199 o Social Security Act of 2018, tataas ang kontribusyon sa 12 porsyento mula sa kasalukuyang 11 porsyento simula sa ikalawang quarter ng taon. Kasabay nito ay iaangat din ang Monthly Salary Credit (MSC) na magiging P2,000 ang pinakamababa at P20,000 naman ang pinakamataas.
Sinabi ni SSS Officer-in-Charge Aurora Ignacio na napapanahon na itaas ang kontribusyon at Monthly Salary Credit ng SSS upang mabigyan ng pagkakataon ang mga miyembro na makapag-ipon para sa kanilang pagreretiro.
kasabay nang pagtaas sa kontribusyon ay tataas din ang halaga ng mga benepisyo at pribilehiyo dahil itinaas din ang maximum Monthly Salary Credit sa P20,000.
Isang magandang balita para sa mga mag-iipon ng mas mataas sa SSS. Sa ilalim ng bagong maximum Monthly Salary Credit na P20,000, magkakaroon ng mas mataas na mga benepisyo at loans dahil ang Monthly Salary Credit ang isa sa mga pangunahing batayan sa pagkwenta ng mga benepisyo at pribilehiyo.
Halimbawa, ang miyembro na mayroong buwanang sahod na P20,000 at nakabayad na ng 12 kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang semestre ng pagkakasakit ay makakukuha ng P600 kada araw na sickness benefit mula sa kasalukuyang P480 kada araw,
Gayundin, ang miyembro na nakapagbayad ng minimum na 120 kontribusyon na base sa lumang maximum MSC na P16,000 ay tatanggap ng buwanang pensyon na P6,400. Samantala, kung siya ay magbabayad base sa bagong maximum MSC na P20,000, siya ay tatanggap ng P8,000 na pensyon kada buwan.
makatwiran din umano ang 1 porsyentong pagtaas sa kontribusyon at ginawang halimbawa ang empleyado na may buwanang sahod na P10,000.
Tataas ang kasalukuyang personal na buwanang kontribusyon ng P36.70 kung saan ang kasalukuyang P363.30 ay magiging P400.00 habang ang employer naman ay magbabayad na ng P800.00, mas mataas ng P63.30 mula sa kasalukuyang P736.70 na employer-share.
Inaasahan na ang batas ay makapagbibigay ng karagdagang P31 bilyon sa ahensya sa pamamagitan ng pagpapatupad ng unti-unting pagtaas sa buwanang kontribusyon mula sa kasalukuyang 11 porsyento ay magkakaroon ng karagdagang 1 porsyento simula ngayong taon, hanggang sa umabot ito ng 15 porsyento sa 2025, at ang unti-unting pagbabago ng minimum at maximum Monthly Salary Credits.
Dahil din dito, madadagdagan ng 13 taon ang pondo ng SSS na aabot hanggang 2045 kapag tuluyan nang naipatupad ang batas sa 2025.
Nilalayon ng Batas Republika 11199 na mapawalang bisa ang RA 1161 na inamyendahan ang RA 8282, at mapalakas ang ahensya sa pamamagitan ng mahahalagang probisyon nito tulad ng rasyonalisasyon ng kapangyarihan ng SSC-ang tagapaggawa ng patakaran ng SSS-na payagan itong mapalawak pa ang investing capacity ng ahensya upang makapagbigay ng mas magandang kita para sa kapakinabangan ng mga miyembro at mga pensyonado nito.
SSS MEDIA AFFAIRS DEPARTMENT
(02) 9206401 local 5050, 5052-55, 5058
7th floor SSS Building, East Avenue,
Diliman, Quezon City