HINDI na bago ang mga insidente ng nakawan sa kapwa Pilipino.
Pero kapag nasa abroad, ibang espiritu ang tumatakbo sa ating mga kababayan. Hangga’t maaari, ramdam pa rin ang Bayanihan Spirit kung tawagin. Nagtutulungan sila sa ibayong-dagat.
Sa kaso ng Pinay OFW sa Hongkong, mismong kasama niyang OFW ang ninakawan niya, hindi lamang isang beses, kundi paulit-ulit pa. Kung kaya’t nahatulan ito ng tatlong buwang pagkakakulong na dati’y mahigit apat na buwan ang sentensiya sa kanya.
Kahit ano pa ang dahilan ng OFW, hindi maaaring bigyan ng katuwiran ito upang maging tama ang gawaing pagnanakaw.
Nakakalimutan nila kung ano ang magiging epekto ng panandaliang paggawa ng masama.
Nagdudulot ito ng nagtatagal na mga epekto tulad ng pagkasira nang pangalan at reputasyon sa kanilang employer. Lalo pa kapag nakulong sila. Wala nang magtitiwala sa kaniya.
Naririyan din ang masakit na epektong naidudulot nito sa pamilya, lalo pa sa kanilang mga anak.
Hindi na maiaalis sa murang isipan ng mga bata ang trauma na malamang nakulong ang kanyang Nanay dahil sa pagnanakaw.
Bukod pa sa dalang kahihiyan nito sa kanyang mga kapamilya, kaibigan at katrabaho.
Malalim nga ang epekto nito kahit sabihin pang maliit na halaga lamang ang ninakaw.
Hindi masusukat sa maliit o malaking mga bagay ang katapatan ng isa.
Sabi nga ng Bibliya, “Ang tapat sa kaunti ay tapat din sa marami.”
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com