Matet sa parents ng mga child star: Hayaan n’yo pa rin silang maglaro…

KRYSTAL MEJES, HEART RAMOS, SOPHIA REOLA AT MIGUEL VERGARA

SA ginanap na mediacon para sa bagong Kapamilya serye na Nang Ngumiti Ang Langit ipinakilala ang apat na child stars na sina Heart Ramos, Miguel Vergara, Krystal Mejes at Sophia Reola.

Kuwento ng mga bagets, nakakaya naman nilang pagsabayin ang pag-aaral at pag-aartista. Pero napaisip kami kung may oras pa ba silang maglaro? O, kuntento na sila sa mga gadgets nila? Madalas kasi, ang mga batang nasa showbiz ay diretso na sa taping pagkatapos ng school at pag cut-off nila ng 8 p.m. ay saka pa lang sila uuwi at doon gagawin ang assignments.

Sa madaling salita, hindi na nila nae-enjoy ang pagiging bata at sa tingin nila, ang pagpasok sa showbiz ang source of enjoyment nila dahil napapanood nga sila sa telebisyon at pelikula.

Kasama rin ang isa sa pinakasikat na child star noong panahon niya sa Nang Ngumiti Ang Langit, si Matet de Leon. Tanda namin noon na naka-uniporme pa ang aktres na naglalakad sa may New Manila, Quezon City kasama ang mga kaklase at nag-uunahang tumakbo at saka sila tatawa nang malakas. Naaalala pa kaya niya ang mga panahong bata pa siya?

Kaya sa mediacon ng bago nilang serye tinanong siya kung ano ang maipapayo ni Matet sa mga magulang ng mga child star na kasama niya sa Nang Ngumiti Ang Langit.

“Siguro huwag tatanggalin ‘yung pagiging bata nila kasi napapansin ko sa mga nagi-start nang maliliit pa, ang bilis nilang mag-mature.

“Siguro kasi puro taping, trabaho. Ang laro nawawala, importante ‘yan sa bata. So, siguro ‘yung pagiging bata nila, i-preserve natin, huwag silang mag-mature kaagad kawawa naman (sila),” magandang sabi ni Matet.

Actually, totoo ito dahil may mga kakilala kami na namulat agad sa hirap ng buhay kaya kinailangang tulungan ang magulang sa paghahanap-buhay. Kinainggitan niya ang mga kaedad niyang naglalaro noon.

At ngayong malaki na siya ay hindi naman daw siya nagsisisi na hindi nakatikim ng laro noong bata siya kaya naman ngayong may anak na siya ay hinahayaan niyang maglaro nang maglaro at take note, hindi niya pinapahawakan ng gadgets.

Going back to Matet, nagpapasalamat siya dahil kahit abala siyang mag-artista noong bata siya ay nasubukan naman niyang maglaro.

Nagpapasalamat din si Matet sa ABS-CBN dahil lagi siyang binibigyan ng trabaho.

Mapapanood na ang Nang Ngumiti Ang Langit sa Lunes, Marso 25 bago mag-It’s Showtime mula sa RSB unit, sa direksyon nina FM Reyes at Marinette Natividad-de Guzman.

Kasama rin sa serye sina Kaye Abad, RK Bagatsing, Enzo Pineda, Pilar Pilapil, Keempee de Leon at Ces Quesada.

Read more...