CITY of Ilagan, Isabela –Kapwa sumisid ng tiglimang gintong medalya sina Mark Bryan Dula at kakampi na si Micaela Jasmine Mojdeh ng Parañaque City sa pagtatapos ng swimming upang umuwi na may pinakamaraming nasungkit na medalya sa Luzon Leg ng 2019 Philippine National Youth Games-Batang Pinoy sa Isabela Sports Complex pool.
Inangkin ng 12-anyos na si Mojdeh ang ginto sa girls 13-15 200m butterfly sa pinakahuling araw ng torneo upang pantayan ang limang gintong iniuwi ni Dula sa boys 12-under dibisyon ng torneo na inorganisa ng PSC para sa mga kabataang atleta sa in-school at out-of-school na edad 15-anyos pababa.
Isinumite ng Immaculate Heart of Mary College-Paranaque swimmer ang 2:25.74 oras para talunin si Mariah Genara Ubaldo ng Laguna Province (2:38.88) at Maglia Jaye Dignadice ng Puerto Princesa City (2:43.69) upang maging ikatlong atleta na nakapagwagi ng limang ginto.
Ang 12-anyos na si Aubrey Tom ay nagtala rin ng 29.46 segundo sa 50m para sa ikalima nitong gintong medalya matapos na magwagi sa 50m butterfly, 200m individual medley, 100m freestyle at 50m backstroke para samahan sina Mojdeh at Dula sa matinding grupo ng most medalled athlete.
“Masayang-masaya dahil natalo ko po ang mas matatatandang kalaban ko,” sabi ni Mojdeh, na nagwagi sa 200m and 400m individual medley, 50m at 100m butterfly events.
Samantala’y tinanghal na “fastest prince” at “princess” sina Justin Angelo Muñoz ng Pangasinan at Erika Marie Ruto ng Calamba City matapos magwagi sa centerpiece event na century dash sa athletics na ginaganap sa City of Ilagan Sports Complex.
Kinailangan na ilang beses rebisahin ang photo finish na labanan sa girls 100m dash upang tuluyang ungusan ng 14-anyos na si Ruto ang kanyang nakalaban na sina Kyla Elona ng Laguna Province at Reah Bacani ng host Ilagan City para sa kanyang unang gintong medalya sa multi-sports na torneo para sa kabataang atleta 15-anyos pababa.
Pitik ng segundo lamang ang naghiwalay kina Ruto na itinala ang tiyempo na 12.6 segundo para sa ginto habang si Elona ay may 12.8 segundo para sa pilak. Ikatlo si Bacani na mayroon naman na 12.9 segundo.
“First time ko po manalo ng gold,” sabi ng Grade 9 sa Canlubang Integrated School na si Ruto. “Pangatlo lang po ako sa Vigan sa 100 saka 400m. Fourth po ako sa 200m,” ayon pa kay Ruto, na sumali sa Batang Pinoy upang mas makapaghanda sa nalalapit nitong pagsabak sa 2019 Palarong Pambansa na gaganapin sa Davao City.
“Gusto ko po matularan si Lydia De Vega at Elma Muros,” sabi pa ng kalagitnaan sa limang magkakapatid at dating volleyball player na si Ruto. “Dati po kami naglalaro ng ate ko na school journalist pero mas nagustuhan ko athletics.”
Nakabawi naman ang 14-anyos mula San Carlos City, Pangasinan na si Muñoz sa kanyang pagkakamali sa huling sinalihang regional qualifying meet sa pagwawagi sa una niyang gintong medalya sa kompetisyon na inoorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC).
“First time ko po sa Batang Pinoy,” sabi ng Grade 8 sa Virgen Milagrosa University na si Muñoz. “Pinasali po kami ni coach para mas matuto at masanay sa laro. Nabawi ko ang mistake ko kasi na-disqualify ang team namin dahil sa akin sa early takeoff ko sa regional,” sabi pa ni Muñoz. “Kasama ko po si Lord na nanalo,” sabi pa nito.
Nakadalawang ginto naman ang kakampi nito sa Pangasinan na si Rufo Aidan Raguine matapos na walisin ang mga ginto sa long jump at triple jump. Itinala ni Raguine ang 6.63m sa long jump habang 13.28m naman sa triple jump.
Dalawang ginto din ang nakuha ni Janine Ladina ng Zambales Province sa pagwawagi nito sa girls discus throw sa inihagis nito na 29.82m at javelin throw sa 34.23m.
MOST READ
LATEST STORIES