Gusto ko ako naman ang magiging kontrabida at mang-aapi!- Cristine

“GUSTO ko ako naman ang kontrabida, ako naman ang mang-aapi!” ‘Yan ang hiniling ni Cristine Reyes kay Direk Ruel Bayani (Unit Head ng RSB) kung bibigyan man daw siya ng bagong project ng ABS-CBN.

Kaya tuwang-tuwa siya nang i-offer sa kanya ang kontrabida role sa bagong Kapamilya daytime series na Nang Ngumiti Ang Langit, na siyang papalit sa magtatapos nang PlayHouse nina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo.

“Two years ago, ginagawa ko pa lang yung Tubig At Langis, sabi ko kay Direk Ruel, ‘Direk, gusto ko naman, ano, gumawa ng bago.’ Na hindi na siguro yung inaapi.

“Gusto ko naman ng something new na, alam mo yun, ma-explore ko naman yung other side ng acting world. Na ako naman yung kontrabida. Ako naman yung mang-aapi,” chika ni Cristine sa nakaraang presscon ng Nang Ngumiti Ang Langit.

Tiningnan at hinawakan ng aktres ang baguhang child star na kasama nila sa serye, si Sophia Reola who’s playing Mikmik, sabay kuwento tungkol sa ilang eksenang ginawa nila, “First eksena namin ni Mikmik, di ba, nag-ano tayo, VTR, whatever? So, napanood agad ni Amarah (anak niya) ‘yung ginawa ko sa kanya.

“Naintindihan naman niya. In-explain ko. Kasi, ito namang si Mikmik, nandu’n din. Tapos, nag-smile siya kay Amarah. I’m happy. Kasi, pinagbigyan ako ni RSB na gumawa ng something new,” aniya pa.

Na-miss nang bonggang-bongga ni Cristine ang gumanap na kontrabida sa serye dahil puro api-apihan ang mga role na ginawa niya sa kanyang past series sa ABS-CBN. Parang mas gusto niyang ilabas ang lahat ng galit sa kanyang puso sa pamamagitan ng kanyang karakter sa Nang Ngumiti Ang Langit.

Sa trailer pa lang ay mukhang mapapalaban din kay Cristine ang nagbabalik-serye na si Kaye Abad makalipas ang ilang taong pamamahinga sa showbiz dahil nag-concentrate muna siya sa pagiging wife and mother.

Pagpapatawad para sa ikabubuo ng pamilya ang mensaheng handog ng family drama na Nang Ngumiti Ang Langit na magsisimula ngayong darating na Lunes.

Sa direksyon nina FM Reyes at Marinette Natividad-de Guzman, kasama rin sa serye sina RK Bagatsing, Enzo Pineda, Pilar Pilapil, Matet de Leon, Keempee de Leon, Heart Ramos, Miguel Vergara at Krystal Mejes.

Makikilala rito ang pinakabagong batang magpapangiti sa mga puso ng manonood na si Mikmik (Sophia), isang masiyahing bata na lumaki sa piling ng inang si Ella (Kaye).

Ang masaya nilang pamumuhay ay masisira nang magkasakit ng leukemia ang kanyang ina. Sa kagustuhang gumaling ang ina, madidiskubre niya ang katotohanang anak pala sa labas ang kanyang ina ng mga Salvador, isa sa mga pinakamayamang pamilya sa bansa.

Agad siyang hihingi ng tulong kay Divina (Pilar Pilapil) ngunit paaalisin lamang siya nito hanggang sa mamatay ang ina. Susubukan niyang pasukin ang mundo ng mga ito sa pag-asang matatanggap at mabibigay din nito ang pagmamahal na naramdaman niya sa ina.

Ngunit sa pagtapak niya sa bahay ng mga Salvador, labis na paghihirap ang mararanasan ni Mikmik sa kamay nina Divina at manugang nito na si Katrina (Cristine) na hindi pa rin makalimot sa kasalanan ng tatay nitong si Michael (RK), ang anak ng mortal nilang kaaway, na siyang tinuturong pumatay sa anak ni Divina na si Eric (Rafa Siguion-Reyna), ang asawa ni Katrina.

Hanggang kailan pagbabayaran ni Mikmik ang kasalanang hindi naman niya ginawa? Matupad pa kaya ng bata ang isang buong pamilyang kanyang pinapangarap? Makilala pa kaya niya ang ama? Tutukan lahat ‘yan sa Nang Ngumiti Ang Langit.

Read more...